ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, ‘zero’ pa rin ang love life pero inspired


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos ma-link noon sa television host na si Grace Lee, inihayag ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na nananatiling “zero" ang kanyang love life ngayon. Ginawa ng 52-anyos na pangulo ang pahayag nang matanong tungkol sa kanyang love life sa nakaraang Presidential Forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) nitong Miyerkules. “Still zero," nakangiting tugon ni Aquino nang humingi ng update ang isang kasapi ng FOCAP tungkol sa kanyang love life. Minsan na rin kasing inihalintulad ng pangulo sa isang brand ng softdrink ang kanyang buhay pag-ibig. (Basahin: Love life, inihalintulad ni PNoy sa softdrink) "May nagtanong ho kasi sa akin, sabi niya, 'kamusta love life mo?' Eh ang sabi ko po sa kanya, parang Coca Cola… Noong araw, 'regular.' Naging 'light.' Ngayon, 'zero,'" pagbirong paglalarawan ni Aquino sa kanyang love life nang matanong sa isang pagtitipon ng mga Pinoy community sa China noong Setyembre 2011.

Nasa unang bahagi ng 2012 nang kumpirmahin noon nina Aquino at Grace na nagdi-date sila. Ngunit pagsapit ng buwan ng Abril, umugong na ang balitang nagkakalabuan na ang dalawa at hindi na nakikitang lumalabas. Pagsapit ng Mayo, inihayag ni Aquino sa panayam ng media ang pagiging “magkaibigan" nila ng TV celebrity. "Kaibigan natin," tugon ni Aquino nang kamustahin ng media tungkol sa relasyon nila ni Grace. “Kaibigan natin. O kaya nga, sabi mo one word. O two words: ‘[mag]kaibigan kami’," paliwanag niya sa panayam noong Mayo. Walang paglilinaw mula sa magkabilang panig kung bakit natigil ang “dating" nilang dalawa. Bago pa man ma-link kay Grace Lee, naugnay na rin si Aquino sa ilan pang babae kabilang na sina Valenzuela Councilor Shalani Soledad, stylist na si Liz Uy, banker na si Len Lopez, at teacher na si Bunny Calica. Dahil sa nauunsiyaming buhay pag-ibig, nakiusap noon ang pangulo na hayaan na lamang sa kanya at manatiling pribado ang kanyang love life. Ayon sa isang source sa Malacanang, may nakaka-date naman ngayon ang pangulo pero hindi “serious dating." “Getting to know lang siguro, may ibang mga kasama," pahayag ng source sabay paglilinaw na walang ka-date si Aquino nang manood ng concert ng US folk rock group na America sa Araneta Coliseum nitong Miyerkules ng gabi. Inihayag naman ng isa pang opisyal sa Palasyo, gusto nilang may love life ang pangulo dahil gaya ng karaniwang tao ay makabubuting mayroon itong inspirasyon at nakakausap sa ibang bagay pagkatapos ng mabigat na trabaho sa araw-araw. Pero sa isang text message nitong Huwebes sa GMA News Online, sinabi ng pangulo na kahit “zero" ang kanyang love life, ang taong-bayan pa rin ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon. Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Setyembre, nakapagtala ng kanyang pinakamataas na net satisfaction rating si Aquino na +67. (Basahin: PNoy records highest satisfaction rating since taking office in 2010) - RP/FRJimenez, GMA News