ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

UN: Prostitusyon, dapat i-decriminalize bilang hakbang vs pagkalat ng HIV


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inirekomenda ng United Nations (UN) sa mga bansa sa Asia at sa Pacific region, kabilang ang Pilipinas, na makabubuting i-decriminalize na ang prostitusyon para maprotektahan ang mga sex worker. Tugon naman ng Malacañang, ang Kongreso ang nangangasiwa sa mga ginagawang batas. Nakasaad sa UN Report, na ang pag-decriminalize sa prostitusyon--na itinuturing pinakamatagal nang "propesyon" sa mundo--ay makatutulong para mapigilan ang pagkalat ng mga sexually transmitted diseases lalo na ang nakamamatay na human immunodeficiency virus o HIV. “Removing legal penalties for sex work assists HIV prevention and treatment programmes to reach sex workers and their clients," nakasaad sa report ng UN na may titulong “Sex Work and the Law in Asia and the Pacific." Nang kunan ng reaksiyon nitong Biyernes tungkol sa naturang UN report, sinabi ni Deputy Spokesperson Abigail Valte na ang lahat ng isinusulong na panukalang batas gaya ng pag-decriminalize sa prostitusyon ay nakaatang sa mga mambabatas. “We have no comment. We would rather leave it to our legislators," ayon sa opisyal. Dahil iligal sa bansa ang prostitusyon, binigyan-diin ni Valte na nananatiling puspusan ang kampanya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan laban sa mga taong nasa likod nito. “Primarily, that’s illegal. Under our present laws that’s illegal which is why the LGUs are also in charge of cracking down and making sure that hindi lang doon sa establishments but rather people who traffic [ay mahuli]," paliwanag niya. “It is a point of concern which is why the IACAT (Inter-Agency Council Against Trafficking) continues to work on improving ‘yung mga conviction when it comes to trafficking in persons. We continue to work with---or the member-agencies in ensuring na nababawasan at mawawala po ‘yung mga ganitong kaso," dagdag pa ni Valte. 500,000 sex workers Noong 2010, naghain ng magkahiwalay na panukalang batas sina Tarlac Rep. Susan Yap Reps. Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Party-list Rep. Maximo Rodriguez, Jr., na naglalayong i-decriminalized ang prostitusyon sa bansa. Batay umano sa isang ulat ng Philippine Commission on Women, sinabi ni Yap na tinatayang aabot sa 500,000 ang sex worker sa Pilipinas, at 100,000 umano sa mga ito ay kabataan. "We should not view the prostitutes as the source of the problem of prostitution. We should instead run after those who lured them into this kind of business," paliwanag ni Yap sa isang pahayag na inilabas sa website ng Kamara de Representantes. Samantala, kamakailan lang ay hiniling din ni Remedios I. Rikken, chairperson ng PCW, na aprubahan ng Senado ang panukalang batas na inihain nina Sens. Loren Legarda at Miriam Defensor-Santiago, para alisin ang criminal liability ng mga prostitute sa ilalim ng Revised Penal Code. Sa isang pahayag na lumabas sa Official Gazette ng Malacañang, sinabi ni Rikken na ang mga bugaw at mga nasa likod ng negosyo ng prostitusyon ang dapat na makulong. Layunin umano sa panukalang batas ng dalawang senadora na pawalang-bisa ang Article 202 sa Revised Penal Code na kumikilala pa rin sa prostitusyon bilang krimen sa ilalim ng ipinasang Republic Act 10158 (An Act Decriminalizing Vagrancy) noong Marso. Dahil sa naturang batas, bagaman hindi na ikinukulong ang mga taong nababagansiya na walang tirahan, ang mga babaeng nahuhuli dahil sa prostitusyon ay napaparusahan pa rin. “Instead of arresting them or treating them as perpetrators, we should give them legal protection because they are being victimized over and over again. Their human rights are denied," paliwanag ni Rikken. Lantad sa HIV Paliwanag ng UN sa kanilang ulat, higit na mataas ang tiyansa sa peligrosong sakit na HIV ang mga sex workers dahil sa patuloy na pagturing dito bilang krimen dahil sa umano’y, “fuelling stigma and discrimination, limiting access to sexual health services, condoms and harm reduction services; and adversely affecting the self esteem of sex workers and their ability to make informed choices about their health." Sa rekomendasyon, umaasa din ang UN na matitigil ang pagsasamantala sa mga sex worker at mabibigyan din sila ng proteksiyon katulad ng ibang trabaho na protektado ng iba’t ibang batas. “Decriminalization enables sex workers to organize within their communities and register their organizations, obtain identification documents so that they can fully access services and entitlements, engage in advocacy and respond to the health and safety needs of their peers," ayon sa UN. Maliban sa New Zealand at ang state of New South Wales sa Australia, ang iba pang bansa sa Asya at sa Pacific region ay patuloy na itinuturing krimen ang prostitusyon at mga katulad na gawain. -- FRJimenez, GMA News

Tags: prostitution