ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Call center agent, biktima ng carjacking sa Maynila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinangay ng apat na carjacker ang kotse ng isang babaeng call center agent Sabado ng gabi sa Maynila. Ayong sa ulat ni Paolo Santos ng dzBB nitong araw ng Linggo, bigla na lang umanong pinasok ng apat na armadong mga lalaki ang Toyota Vios ng call center agent habang nakaparada ito sa tapat ng isang convenience store sa may kahabaan ng España Ave. Ayon sa biktima, aabot sa dalawang oras na kasa-kasama siya ng mga carjacker sa loob ng kanyang sasakyan bago siya pinababa. Sa ulat ni Santos, nakapanayam niya ang biktimang kinilalang si Mary Joy Tabora, dalaga at 29-taong gulang. Ayon sa biktima, na nilarawan ni Santos na nakasuot ng sexy dress, nakaparada lamang siya sa tapat ng isang tindahan sa kahabaan ng Espana Boulevard, at bigla na lamang umano siyang pinasok ng mga armadong mga lalaki at inagaw sa kanya ang manibela. Takot na takot umano ang biktima habang nasa loob ng kotse. Sinabi ng biktima na habang nagpaikot-ikot ang kotse sa mga lugar sa Metro Manila na hindi niya matandaan, pinaghihipuan umano siya ng mga suspek sa maseselang bahagi ng kanyang katawan. Nang makarating sila sa isang barangay sa Valenzuela City, ibinaba umano siya ng mga suspek at tuluyan nang tinangay ang kanyang sasakyan. Ayon sa ulat, naghihimutok ang biktima laban sa mga elemento ng Manila Police District (MPD) kung saan siya dumulog. Hanggang paglalagay lamang umano sa blotter ang kayang gawin ng mga taga-MPD. Daing ng biktima, hindi man lang umano pinuntahan ng mga pulis ang lugar kung saan siya tinangay ng mga suspek. — LBG, GMA News