Mga suspek na namaril gamit ang airsoft gun, mananagot pa rin sa batas
Mahaharap pa rin sa asunto ang mga suspek na namaril sa tatlong kabataang lalaki gamit ang airsoft gun sa Candaba, Pampanga. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing nakaistambay sa labas ng paaralan ang tatlong biktima nang umatake sa kanila ang tatlong suspek na nakasakay sa motorsiklo. Isa rin umano sa mga biktima ang hinampas ng laruang baril ng isang suspek. Isa sa tatlong suspek ang kaagad na nadakip pero itinanggi nito na sangkot siya sa pananakit. Lumabas sa imbestigasyon ng pulis na hindi magkakakilala ang mga biktima at suspek. Ang laruang airsoft gun ay ginagamitan ng plastik na bolitas bilang bala. Kahit laruan ang baril, sinabi ng pulisya na mananagot pa rin sa batas ang suspek dahil mayroon silang sinaktang mga biktima. - FRJ, GMA News