Traffic aide na sinaktan umano ng mag-amang pulis sa Iloilo, kinatigan ng Ombudsman
Pinaboran ng Office of the Ombudsman ang kasong isinampa ng isang traffic aide laban sa mag-amang pulis sa Passi City, iloilo, na umano’y nanutok ng baril at nambugbog sa biktima. Sa ulat ni Melanie Ferrer ng RGMA-Iloilo sa DZBB nitong Sabado, sinabi ng traffic aide na si Reynold Pintakasi na masaya siya sa naging desisyon ng Ombudsman na pabor sa inihain niyang mga kaso. Inireklamo ni Pintakasi ang mag-amang sina SPO2 Juanito Pedroso at PO1 James Pedroso, na parehong miyembro ng Passi City police. Sa nasabing ulat, sinabing Mayo 5, 2011 nang hulihin ni Pintakasi ang isang Jun Pedroso na kamag-anak ng mag-amang pulis. Hinuli umano si Jun dahil walang plate number ang minamaneho nitong motorsiklo. Sinasabing nagsumbong si Jun sa mag-amang pulis at sinugod ng dalawa ang traffic aide. Sa kanyang reklamo, sinabi ni Pintakasi na tinutukan siya ng baril ng mag-amang pulis at saka binugbog. Mga kasong grave misconduct, abuse of authority at conduct of unbecoming of a police officer ang isinampa ni Pintakasi sa mag-amang pulis. Idinagdag sa ulat na isiniwalat din umano ni Pintakasi na ilang beses sinubukan ng mag-amang pulis na aregluhin siya para iurong ang reklamo. – MM/FRJ, GMA News