ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagdalaw sa sementeryo, naging pahirapan sa ilang kababayan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naging pahirapan sa ilang kababayan ang paghanap o kaya’y pagpunta sa puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay. Gaya na lamang ng mga nagtungo sa dalawang sementeryo sa Pampanga. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing daan-daang puntod sa Masantol Public Cemetery ang lubog pa rin sa hanggang binti na baha na nagsimula pa noong pagtama ng habagat. Ilan sa mga bumisita sa mga puntod ay nagsuot ng bota bilang proteksiyon sa paglusong nila sa baha. Ang iba naman na dating nagpapagabi sa sementeryo, nagdesisyon na umuwi ng mas maaga dahil sa sitwasyon ng sementeryo. Samantala, kanya-kanya namang diskarte sa pagtantiya ang mga bumisita sa Campo Santo de Bacolor kung saan nila ilalagay ang dala nilang kandila at bulaklak. Hindi na kasi nila alam ang eksaktong lugar ng dinadalaw nilang nitso dahil ang sementeryo ay mistula nang palayan ngayon mula nang matabunan ng lahar nang pumutok ang Mt. Pinatubo noong 1991. Masuwerte ang mga may museo dahil ang bubong nito ang nagsisilbi nilang palatandaan kung nasaan ang dinadalaw nilang puntod. Ang mga hindi na talaga matandaan ang lugar ng nitso, naglalagay na lamang ng kandila sa isang malaking lapida na ipinalagay sa sementeryo kung saan nakasulat ang ilang pangalan ng mga nakalibing doon. - FRJ, GMA News

Tags: undas2012, undas