ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Cremation, patok na nga ba sa mga Pinoy?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dumarami na umano ang bilang ng mga Pilipinong nagpapa-cremate ng bangkay ng kanilang mga namayapang kamag-anak kaysa mga nagpapalibing. Ayon kay architect Eugene Cheng, vice president for operations ng Sanctuarium na isang sikat na columbarium sa Araneta Avenue, Quezon City, naglalaro na mula sa  55 hanggang 60 porsiyento ng mga Pilipino ang pumipili sa cremation. At tumataas pa ang pigurang ito, ayon kay Cheng sa isang interbyu ni Mark Zembrano para sa programang State of the Nation (SONA) na inere noong Biyernes ng gabi. “Hindi mo poproblemahin ‘yung init ng araw, alikabok, ulan, (at) parking,” dagdag pa niya. Kunsabagay, malinis, tahimik at air-conditioned ang chamber ng mga sosyal na columbarium. Ito ay malayo sa marumi, masikip, mainit, maulan, mabaho at maingay na mga pampublikong sementeryo, lalo na sa Metro Manila. Hindi rin makain sa espasyong lupa ang columbarium dahil ang mga ito ay multi-stories. Ibig sabihin ay space-efficient ang mga ito. Bukod sa pagiging kumbinyente kumpara sa hirap na dinaranas ng karamihan sa mga dumadalaw sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay tuwing Araw ng mga Patay, may mas  mabibigat pang mga dahilan kung bakit ganito ang nagiging trend. Mas praktikal umano ang cremation sa gitna ng tumataas na gastos sa pagpapalibing.   Tulad ng maraming bagay, limitado ang espasyo na maaaring paglibingan. Sa simpleng pagtataya ng “law of supply and demand,” hindi na nakapagtatakang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga memorial lot. Pero hindi rin biru-biro ang gastusin sa cremation.  Umpisahan natin sa presyo ng “urn” o bangang lalagyan ng abo ng namatay.  Ang tinuturing na mura na ay nagkakahalaga pa rin ng P5,000. Kung sosyal ka ay maaari kang bumili ng urn na may dekorasyon gamit ang 24-karat gold na aabot ang presyo sa P150,000. Ang isang puwesto sa columbarium sa Metro Manila ay naglalaro sa pagitan ng P180,000 at P1.4 milyon. Taliwas sa paniniwala ng marami, hindi na isyu ang relihiyon at paniniwala sa usapin ng cremation.   Oo nga’t opisyal na ipinagbawal ng simbahang Katoliko ang cremation noong 1886, binawi ang kapasyahang ito noong 1963. Kung noon ay kinokondena sa impiyerno ang mga nagpapa-cremate, hindi na ngayon. Unang-una na, kailangang maging praktikal, ayon sa simbahan. Ang kalaban ng cremation ay ang tradisyong Pilipino. Masasabing bagong pamamaraan ito na hindi pa gaanong tanggap sa kultura natin. Kaya’t kaduda-duda ang istadistikang ibinato ni Ginoong Cheng ng Sanctuarium na mas malaking porsiyento na ng mga Pilipino ang pumapayag sa cremation. Kung ito ay totoo man, ang mga gumagawa ng cremation ay nabibilang sa unang henerasyon ng gumagawa nito. At alam naman natin na ang isang bagay na bago, lalo na’t ito ay nauukol sa isang namayapang mahal sa buhay, ay hindi agad-agad isinasagawa nang walang malalim at matagal na pag-iisip. Ikaw ba, Kapuso, payag ka bang ma-cremate pagdating ng oras mo? (knock on wood). — Fort Nicolas Jr. /LBG, GMA News