ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ati community sa Boracay, nilusob umano ng mga armadong kalalakihan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinira umano ang bakod at tinangkang pasukin ng mahigit 20 armadong kalalakihan ang komunidad ng mga katutubong Ati sa Barangay Manoc-Manoc sa Boracay Island nitong Linggo ng gabi.   Ayon kay Dexter Condez, tagapagsalita ng Boracay Ati Tribal Organization (BATO), bandang 7 ng gabi nang mapansin nila ang tatlong sasakyan umano ng Crown Regency Boracay na nagbababa ng mga kalalakihan sa kanilang lugar. Aniya, ilan sa mga kalalakihan ay may dalang shotgun.   Kwento ni Condez, nilapitan sila ng isang nagngangalang Teddy Jimenez, na napag-utusan umano ni Richard King, isa sa mga may-ari ng Crown Regency Boracay at Fuente Development Corporation, na gibain ang mga bakod ng komunidad ng mga Ati sa lugar.    "Siya daw ay napag-utusan lamang ni Mister King at kailangang sirain na ang bakod dahil sa walang fencing permit ang mga Ati," ani Condez.   Giit ni Condez, tinutulan nila ang pagsira ng kanilang bakod sapagkat mayroong titulo ang mg Ati sa lugar.   Matapos ang mainit na palitan ng mga salita, agad na tinipon ni Jimenez ang mga kalalakihan at biglaan na lamang sinira ang bakod ng komunidad, ayon kay Condez.   Sa kabila ng pakikiusap ng mga katutubo, hindi umano tumigil ang grupo ni Jimenez hanggang sa dumating ang ilan pang mga kalalakihan ng Ati at si Fr. Arnold Crisostomo, miyembro ng diocese of Kalibo. Dumating rin ang mga pulis upang rumesponde.   Tumanggi namang magbigay ng impormasyon ang Aklan Police sa insidente, ngunit nagkaroon na umano ng blotter report ang pangyayari.   Ancestral Domain Title   Noong Enero 21, 2011, ginawaran ng National Commission on Indigenous Peoples ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ang BATO para sa lupain, na tirahan ng 40 pamilyang Ati o 200 miyembro ng tribo, ayon kay NCIP commissioner Dionesia Banua   "May basis ang mga katutubo," ani Banua sa panayam ng GMA News Online nitong Lunes.   Sa kabila nito, mayroong pa ring tatlong property claimants na tumututol sa paninirahan ng mga Ati sa lugar at sa iginawad na CADT sa kanila, dagdag niya.   Ayon kay Banua, hindi umano kabilang sa tatlong property claimants si King.   "Ikinatataka ko kasi ngayon lang nag-initiate ng interes ang [kampo ni King]," aniya. "Legally, supposedly noon pa dapat sila nag-initiate na may claim sa area."   Kasalukuyan pang kinukuha ng GMA News Online ang panig ni King at ng Crown Regency Boracay para sa nasabing isyu. — KBK, GMA News