Pinoy driver ng sumabog na trak sa Riyadh iniimbestigahan na
Kasalukuyang iniimbestigahan na sa Saudi Arabia ang Pilipinong driver ng sumabog na trak ng krudo sa Riyadh kung saan 22 katao, kabilang ang isa pang Pilipino, ang namatay. Ayon kay tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Raul Hernandez, hawak na ng awtoridad sa Saudi ang Pilipinong driver na si Robin Kebeng. “We are waiting for the outcome of the investigation. We will provide legal assistance to the driver because he is a Filipino in need of help,” ani Hernandez sa isang press briefing sa Manila. Sa panayam ng dzBB radio, inihayag ni Hernandez na maaaring abutin ng ilang linggo ang imbestigasyon. Ayon pa kay Hernandez, hindi pinayagan ng mga awtoridad ng Saudi ang mga opisyal ng Philippine Embassy na kausapin si Kebeng. Ayon naman kay Philippine Ambassador to Saudi Ezzedine Tago, magsusumite sila ng note verbale o diplomatic note sa gobyerno ng Saudi upang payagan silang makausap si Kebeng. Ani Hernandez, maituturing na “suspect” pa lamang si Kebeng. Dagdag pa niya, kung kinakailangan ay handang magbigay ng ligal na tulong ang gobyerno ng Pilipinas. Sa ulat ng Saudi-based news site Arab News, inihayag ni Tago na isang taon nang nagtatrabaho si Kebeng sa Saudi. Mga biktimang Pinoy Bukod sa isang nasawi, pitong Pilipino ang nasugatan at isinugod sa magkakaibang ospital dahil sa pagsabog. Tatlo sa kanila ay na-discharge na nitong nakaraang weekend, habang isa ang itinuturing na nasa kritikal na kondisyon. “He was supposed to be operated on but he backed out, fearing this would render him totally paralyzed. We are still convincing him to undergo operation because his condition could be irreversible,” ani Hernandez. Sa kabilang banda, nakikipag-ugnayan na ang embahada sa employer ng Pilipinong pumanaw sa aksidente upang maiuwi na ang kanyang mga labi sa Pilipinas. “It’s a long process but Ambassador Tago said last night they will try to expedite his repatriation,” ani Hernandez. Napag-alamang ligal na nagtatrabaho sa Saudi ang mga Pilipinong naospital kaya’t meron silang medical insurance na binayaran ng kanilang employers. Tinatayang mahigit isang milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia sa kasalukuyan. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News