Christmas décor na gawa sa balat ng mais, mabibili sa Pangasinan
Ngayong tapos na ang Undas, ang papalapit na Pasko naman ang inaasahang paghahandaan ng mga Pilipino. Kaya naman ang ilang negosyante sa Pangasinan, sinimulan na ang pagbebenta ng mga Christmas décor. Iniulat sa GMA News TV’s Balita Pilipinas Ngayon ni Charisse Victorio, na makikita na sa ilang gilid ng kalsada sa Dagupan, Pangasinan ang makukulay at naggagandahang mga Christmas décor gaya ng parol. Ayon sa mga nagtitinda, pinakamabenta ang mga parol na gawa sa capiz shell. Bukod umano sa tumatagal ang mga parol na ito, madali ring palitan ang mga ilaw kapag napundi na. Mas mabili rin umano ang orihinal at tradisyunal na disenyo na pabilog sa ganitong uri ng parol. Sa bayan naman ng Basista, Pangasinan, bukod sa mga parol ay ibinida rin nila ang mga Christmas décor na gawa sa balat ng mais. Ang dekorasyon na ito ay mabibili mula sa halagang P200 hanggang P 700 depende sa disenyo. - FRJ, GMA News