ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Testigo vs Arroyo sa NBN-ZTE case, ‘di nakasipot sa pagdinig


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi nakadalo si Rodolfo "Jun" Lozada sa pagdinig ng Sandiganbayan nitong Huwebes kaugnay sa kasong katiwalian na kinakaharap ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nabulilyasong NBN-ZTE deal. Ayon kay Assistant Special Prosecutor Louella Mae Oco-Pesquera, hindi nakasipot sa pagdinig ang kanilang testigo na si Lozada dahil mayroon itong lagnat. Si Lozada sana – nagbunyag noon sa pagdinig ng Senado tungkol sa detalye ng NBN-ZTE deal – ang magiging ikatlong testigo ng prosekusyon laban kay Arroyo. Nahaharap si Arroyo, kasalukuyang kongresista ng Pampanga, sa kasong graft dahil sa pinasok nitong kasunduan sa Chinese firm na ZTE Corp. noong 2007 para sa national broadband network project (NBN). Ngunit bunga ng mga alegasyon ng katiwalian sa naturang kontrata, kinansela rin ito ng gobyerno ni Arroyo. Sa pagdinig, tinutulan ng lead counsel ni Arroyo na si Atty. Jose Flaminiano, ang umano’y ginagawang “delay" ng prosekusyon at iginiit na dapat naging handa ang panig ng prosekusyon. Kung hindi makadadalo si Lozada, dapat umanong nagpatawag ng ibang testigo ang kampo ng tagausig dahil mayroon naman silang isinumiteng listahan ng mga testigo. Binalaan naman ni Associate Justice Jose Hernandez, senior member ng Fourth Division na dumidinig sa kaso, ang panig ng prosekusyon na hindi na nila papayagan ang muling makansela ang pagdinig kapag hindi sila nakapagpakita ng testigo sa araw ng paglilitis. Iniutos naman ni Associate Justice Gregory Ong, division chairman, na ilipat ang pagharap ni Lozada sa korte sa Enero 30 at 31, 2013. Si Lozada ang pangunahing testigo nang imbestigahin ng Senate blue ribbon committee ang kontrobersiyal na transaksyon noong 2008. Sa kanyang testimonya sa Senado, ibinulgar ni Lozada ang umano’y mga katiwaliang naganap sa transaksyon. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News