ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bitay ng Pinoy sa Saudi Arabia, ipinagpaliban


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipinagpaliban ang nakatakdang pagbitay kay Joselito Zapanta, isang overseas Filipino worker na nahatulan kamatayan sa Saudi Arabia dahil sa pagpatay sa isang a Sudanese noong 2009, matapos luwagan ng pamilya ng biktima ang mga kondisyon sa kaso. Nakatakda sanang bitayin si Zapanta ngayong Miyerkules. Noong una, humingi ang pamilya ng biktima ng SR5 million (mga P55 million) na dapat sana'y babayaran noong November 14, ayon sa isang post sa Facebook page ni Vice President Jejomar Binay, na siya ring presidential adviser on OFW concerns. Ngunit, ayon sa ulat ni Sam Nielsen ng dzBB nitong Miyekules, pumayag umano ang pamilya ng Sudanese na babaan ang blood money na papatak na lamang sa SR4 million (mga P44 million), at binigyan ang pamilya ni Zapanta ng apat na buwan para makalikom ng ganoong halaga.   "Sobrang laki ang naging trabaho ng ating Ambassador (Ezzedin Tago) sa Saudi Arabia," ayon kay Binay, at sinabing napag-alaman niya ang balitang ito madaling-araw nitong Miyerkules.   Sinabi rin ni Binay na sumulat si Pangulong Benigno Aquino III kay Saudi King Abdullah noong Oktubre at hiniling na bigyan ng panahon ang pamilya ni Zapanta para makalikom ng pera.   "Ako naman po ay umapila rin sa hari ng Saudi Arabia sa isang sulat na ipapadala namin ngayon sa embahada ng Saudi at dadalhin bukas sa Saudi Arabia ng kinatawan ng Department of Foreign Affairs para personal na maipaabot kay King Abdullah," ayon ka Binay. Idinagdag pa ni Binay na hindi pinabayaan ng Philippine Embassy si Zapanta mula pa noong siya'y hinuli noong 2009. Ayon naman sa DFA noong Martes, pupunta umano sa Saudi Arabia ang mga kamag-anak ni Zapanta upang dumulog sa hari na huwag nang ituloy ang bitay.   Sa panayam ni Jiggy Manicad sa “Quick Response Team” program ng GMA News, sinabi ni Susan Ople, presidente ng Blas Ople Policy Center, na “Ang mensahe lang ng pamilya, dasal at panalangin para kay Joselito at pati na rin sa kapatawaran nung kabilang partido.”   “Sila mismo ay humihingi rin nang tawad doon sa pamilya [ng biktima],” dagdag pa ni Ople.   Si Zapanta ay taga-Bacolor, Pampanga, at unang nagpunta sa noong 2007 sa Saudi bilang tilesetter. Siya ay may dalawang anak, pito at walong taong gulang. — LBG, GMA News