DepEd, kinalampag sa reklamo vs guro na nanampal umano ng estudyante sa Pangasinan
Pinuna ng mga magulang ng isang 15-anyos na estudyante ang kawalan umano ng aksiyon ng Department of Education (DepEd) sa reklamo nila laban sa isang lalaking guro sa Natividad, Pangasinan na nanampal sa kanilang anak. Sa ulat ni Joyce Segui ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing dahil sa kahihiyan ay tuluyan nang hindi pumasok sa Natividad National High School ang estudyanteng itinago sa pangalang Jun. Kwento ni Jun, posibleng nagalit umano sa kanya ang lalaking guro dahil sa kanyang pagiging maingay kaya siya sinampal. Ngunit matapos ng insidente, umalis siya at nagtungo sa kanyang silid-aralan pero sinundan umano siya ng guro at muling pinagsasampal sa harap ng kanyang mga kaklase. Dahil sa takot, hindi nagsumbong si Jun sa nangyaring insidente. Pero ang mga kaklase niya ang nagreport sa insidente kaya nagharap sa pulisya ang mga magulang ni Jun at inirereklamong guro. Bagaman noong Setyembre pa umano nangyari ang pananampal, hanggang ngayon ay wala raw ang aksiyon ng pamunuan ng Natividad HS at maging ang DepEd-Pangasinan. Gusto ng magulang ni Jun na maparusahan ang guro at matanggal sa pagtuturo dahil sa ginawa umanong pananakit sa kanilang anak. Ngunit paliwanag ni Enrique Macayan, Education Supervisor, DepEd Pangasinan Div II, inakala nilang hindi na interesado ang mga magulang ng mag-aaral na ituloy ang reklamo dahil hindi umano nagpa-follow-up ang mga ito. Kaya naman pinayuhan ni Macayan ang mga magulang ni Jun na magsumite ng written complaint at ipadala sa kanyang tanggapan kung gusto pa rin nilang ituloy ang reklamo laban sa guro. Napaglaman naman na ang ina ng inirereklamong guro ang principal sa nabanggit na paaralan. Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng mag-ina pero tumanggi sila dahil na rin umano sa payo ng kanilang abogado. - FRJ, GMA News