ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Firing squad sa Chinese drug lord


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mistulang sinabayan ng pagputok ng araw ang putok ng mga baril na kumitil sa buhay ng Chinese drug lord na si Lim Seng na hinatulang mamamatay sa pamamagitan ng firing squad noong 1973. Taong 1972 nang itatag ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang Philippine Constabulary Anti-Narcotics Unit (CANU) na naglalayong palakasin ang kampanya kontra iligal na droga sa bansa. Ilang linggo matapos ideklara ni Marcos ang Martial Law noong Setyembre 1972, sinalakay ng mga awtoridad ang laboratoryo ng iligal na droga at nadakip ang noo’y nagpapakilalang negosyante na si Lim Seng, alias Gan Suo So. Matapos litisin ng Military Tribunal pagsapit ng Disyembre 1972, hinatulan siya ng parusang kamatayan, na pinagtibay naman ni Marcos pagsapit ng Enero 1973. Hindi nagtagal ay ipinatupad ang parusang kamatayan kay Lim Seng sa pamamagitan ng firing squad pagsapit ng 6:00 ng umaga na isinagawa sa Fort Bonifacio. Mula sa kanyang detensiyon sa Kampo Krame, dinala si Lim Seng sa Fort Bonifacio matapos niyang makausap ang kanyang pamilya. Itinali si Lim Seng sa isang poste, piniringan ang mga mata bago binaril ng walong tauhan ng Philippine Constabulary (PC). Tinatayang pagkaraan lang ng limang minuto ay naipatupad na ang parusa kay Lim Seng na nasaksihan ng maraming Pilipino. - FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia