Julie Ann Rodelas, inihatid na sa huling hantungan
Inilibing na bago magtanghali nitong Sabado ang mga labi ng pinaslang na modelo at TV talent na si Julie Ann Rodelas sa Las Piñas. Nag-alay ng mga puting bulaklak ang mga kamag-anak at kaibigan ng modelo. Si Rodelas, 20, ay inilibing sa Golden Haven Memorial Park sa Las Piñas, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa dzBB. Napuno umano ang isang bahagi ng sementeryo ng mga nakiramay. Halos dalawang linggo na ang nakararaan ng dukutin si Rodelas at pagbabarilin sa Cubao noong Nobyembre 6. Kabilang sa mga nakiramay ay mga pulis-Quezon City, na tumulong para malutas ang krimen. Sa hiwalay na ulat sa Balitanghali, ipinakitang mismong mga pulis ang nagbuhat ng kabaong ng dalaga. Nangako naman ang mga awtoridad na tutulong hanggang sa makamit ng pamilya ng biktima ang hustisya. Ayon naman sa kapatid ni Rodelas na si Alvin, umaasa pa rin ang buong pamilya nila na mahuhuli rin ang dalawa pang suspek sa krimen. Tanging ang kaibigan ni Rodelas na si Althea Altamirano at ang nobyong si Fernando Quiambao Jr. ang nakakulong at humaharap sa kasong murder. Kasama rin sa kinasuhan ay si Jaymar Waradji na posibleng gawing witness sa kaso. Isang Misa para kay Rodelas ang inalay nitong Sabado ng umaga sa Mary Queen of Apostles Parish sa Parañaque City. Samantala, lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na gusto umanong turuan ng leksyon ni Altamirano si Rodelas, na diumano ay ipinagkakalat na dalawa na ang anak ni Altamirano. Ang dalawa ay dating matalik na magkaibigan. Inihahanda na rin umano ng mga pulis ang kasong rape laban sa iba pang mga suspek. — LBG, GMA News