ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 katao, patay, 1 pa nawawala dahil sa pag-ulan sa Mindanao


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tatlo katao ang nasawi sa naganap na malakas na pag-ulan sa Mindanao na nagdulot ng mga pagbaha sa Compostela Valley, Davao del Norte at Davao Oriental. Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, kinilala ang mga nasawi sa pagkalunod na sina Nicholas Rota, 11-anyos, ng Brgy. Poblacion, San Isidro, Davao Oriental at Romeo Luif, 55-anyos, ng Tarragona, Davao Oriental. Hinahanap naman si Dindo Ugapang, 15-anyos, ng Barangay Bitaogan ng San Isidro, Davao Oriental. Nakasaad din sa ulat ng NDRRMC na aabot sa 745 pamikya o 3,242 katao ang naapektuhan ng pagbaha sa 32 barangay mula sa siyam na bayan ng Compostela Valley, Davao del Norte, at Davao Oriental. Sa isang ulat naman ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing isang lalaki ang nakitang lumulutang sa ilog ng Imelda, Zamboanga Sibugay. Nalunod umano ang lalaki matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig. Kasabay nito, limang barangay din umano sa Tagum City, Davao del Oriental ang nalubog sa baha kaya napilitan ang ilang residente na lumikas. - FRJ, GMA News