Kwentong ‘kidney-nap’ ng 2 bata, nagdulot ng takot sa Iloilo City
Sa takot na mapagalitan dahil hindi pumasok sa eskwelahan, dalawang bata sa Iloilo City ang gumawa ng kuwento na dinukot sila ng isang grupo na kumuha ng mga bata para kunin ang bato o kidney. Sa ulat ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, hindi inakala ng dalawang bata na ang inimbento nilang kuwento ay magdudulot ng pangamba sa mga residente. Una nito, ikinuwento ng dalawang bata na isang babae ang kumuha sa kanila at isinakay sila sa isang itim na van para kunin ang kanilang bato. Ngunit pinayagan daw silang pakawalan dahil payat sila at tanging mga matataba lang ang kinkuha. Mabilis namang kumakalat sa text message at social networking site ang kuwento ng mga bata para magbigay babala sa mga magulang upang mabantayan ang kanilang mga anak. Pero nang magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya ng Region-VI, inamin ng dalawang bata na napagsaraduhan sila ng eskuwelahan kaya hindi na sila nakapasok. Sa halip na umuwi, namasyal umano sila at ginabi. Sa takot na mapagalitan, gumawa na lamang sila ng kuwento tungkol sa pagkidnap ng mga nangunguha ng bato. Dahil dito, nanawagan si Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., director PRO-6, sa publiko na huwag paniwalaan ang kumalat na kuwento ng dalawang bata, na ligtas na ibinalik sa kanilang mga magulang. -- FRJ, GMA News