Sa Malabon City: Mag-asawang negosyante, pinagnakawan na, pinatay pa
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang mag-asawang negosyante na basta na lamang binaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Malabon City nitong Sabado ng umaga. Tinangay ng mga suspek ang tinatayang P100,000 na dala ng mga biktima na pampasahod sana sa kanilang mga trabahador. Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV’s Balitanghali nitong Sabado, kinilala ang mga biktima na sina Nin Ting Wong at misis niyang si Quimzy Wong. Idineklarang dead of arrival sa MCU hospital sa kalapit na Caloocan City ang mag-asawa dahil sa tinamo nilang tama ng bala. Isang tama ng bala sa dibdib ang tumapos sa buhay ni Mr. Wong, habang sa ulo naman ang tama ng kanyang misis. Sinabi sa ulat na walang palatandaan na nanlaban ang mga biktima nang harangin sila ng mga suspek sa labas ng kanilang pagawaan ng plastik sa Dizon St., Brgy. Tinajeros, Malabon. Hinala ng mga pulis, posibleng natiktikan ang mag-asawa na may dalang pera dahil tuwing Sabado umano sila nagpapasahod ng kanilang trabahador. Ayon naman sa mga trabahor, mabait ang mag-asawa kaya hindi nila inasahan na may gagawa sa mga ito ng masama. Wala pang pagkakakilanlan sa mga suspek dahil bagaman mayroon umanong CCTV camera sa labas ng pagawaan ay hindi ito gumagawa nang maganap ang krimen dakong 6:30 a.m. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. - FRJimenez, GMA News