ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 boksingero na nagpatumba kay Pacquiao


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa tinatayang 61 laban ng Pinoy boxing icon na si Manny Pacquiao, limang beses pa lamang siyang natatalo. Tatlo sa kanyang kabiguan ay sa pamamagitan ng knockout na ang pinakahuli ay sa kamay ng Mexican fighter na si Juan Manuel Marquez. Matapos ang may 11 sunod-sunod na panalo noong nagsisimula pa lamang, nalasap ni Pacquiao ang kanyang unang knockout sa kamay ng kababayang Pinoy na si Rustico Torrecampo. Tumumba ang noo'y payat pang si Pacquiao mula sa malakas na suntok ni Torrecampo sa ikatlong round ng kanilang laban noong 1996. Pagkatapos ng kanyang kabiguan kay Torrecampo, umabot sa 15 sunod-sunod na panalo ang nakamit ni Pacquiao na karamihan ay sa pamamagitan ng knockout. Pero natigil ang kanyang mga panalo nang muli siyang tumumba at natalo sa boksingero mula sa Thailand na si Medgoen Singsurat. Tulad ng laban kay Torrecampo, natalo si Pacquiao kay Singrurat sa ikatlong round ng kanilang laban noong 1999. Matapos ang kabiguan kay Singrurat, muling umariba ang karera ni Pacquiao na nagtala ng mga panalo bago matalo sa Mexican fighter na si Erik Morales sa pamamagitan ng unanimous decision noong 2005. Nanatiling malinis naman ang record ni Pacquiao sa mga sumunod na laban bago siya natalo via split decision kay Timothy Bradley noong June 2012. At nitong Disyembre 9, nakamit ni Pacman ang kanyang ikalimang pagkatalo at ikatlong knockout kay Marquez, na nangyari sa ika-anim na round. - FRJimenez, GMA News