Sundalo, patay sa engkwentro sa Iloilo kahit may umiiral na tigil-putukan
Isang sundalo ang nasawi matapos magkasagupa ang mga sundalo at mga hinihinalang miyembro ng New Peoples Army sa Miag-Ao, Iloilo. Nangyari ito sa kabila ng umiiral na tigil-putukan sa magkabilang panig para sa panahon ng kapaskuhan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabing nagpapatrolya ang mga sundalong miyembro ng 82nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Cabalaunan nang paputukan sila ng mga armadong lalaki. Ikinalungkot ng militar ang nangyaring insidente at nagpahayag ng pag-asa na hindi na muling mauulit ang insidente habang umiiral ang tigil-putukan na tatagal hanggang Enero 3. Sa kabila ng pinaiiral na SOMO o Suspension of Offensive Military Operation ng militar, tutugisin ng mga sundalo sa mga armadong lalaki bilang bahagi ng defense posture operation ng militar. - FRJ, GMA News