ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Prediksiyon na 'end of the world' sa Biyernes, dapat bang paniwalaan?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kung magkakatotoo ang prediksiyon ng ilang nag-aral at nagbigay ng interpretasyon sa tinatawag na Mayan calendar, inaasahang magaganap ang kinatatakutang katapusan ng mundo sa Biyernes, Disyembre 21, 2012 at mararanasan natin ang kasabihang, “hindi ka na aabutin ng Pasko." Ang Mayan calendar ay ginawa ng sinaunang mga tao sa Mexico na sinasabing kabilang sa mga unang sibilisadong tao sa mundo na gumamit ng kanilang kalendaryo. Ang pagkawala ng kanilang sibilisasyon sa mundo ay nananatiling misteryo sa mga dalubhasa. Ngunit paliwanag ni Dr. Jesus Rodrigo Torres, pangulo ng  Rizal Technological University (RTU), walang malinaw at kongkretong batayan para gamitin ang Mayan calendar at mahulaan kung kailan magugunaw ang mundo.   “Marami na ang nagsabi na magugunaw ang mundo," ani Torres. “Dati ay noong year 2000, tapos biglang nabago, pero hindi naman natutuloy." Dagdag pa ng dalubhasa, nagkaroon ng pagkakamali ang mga unang eksperto na nagsagawa ng pag-aaral sa Mayan calendar. May magkaibang paniwala umano tungkol sa kontrobersiyal na kalendaryo.   “Ang sinabi nila ay magtatapos ang mundo sa Disyembre 21, 2012 at wala nang nakatala sa Mayan calendar pagkatapos ng araw na iyon.  Pero ang hindi nila sinabi na iyon talaga ang katapusan ng bawat taon sa Mayan calendar (at hindi na naituloy)," paliwanag ni Torres.   Wala ring umanong katotohanan na may planetang sasalpok sa mundo na magiging dahilan ng pagkagunaw ng daigdig.   “It is also wrong kasi kung may planetang sasalpok sa mundo, matagal na nating nakita 'yan. At maging mga amateur astronomers natin ay makikita kung may planeta o asteroid na sasalpok sa mundo," patuloy ng siyantipiko. Dahil sa Mayan calendar, sinabi ni Dr. Custer Deocaris, properor ng Astrobiology sa  RTU, na lalong dumami ang ispekulasyon tungkol sa magaganap sa kalawakan na magiging dahilan ng pagtatapos ng mundo. Kabilang na dito ang pagkakaroon umano ng matinding solar flares na pagmumulan ng “geomagnetic storms" na pinangangambahang makakaapekto sa electronic system sa mundo gaya ng cellular phone at computer.   Pero paliwanag ni Deocaris, ang solar flare ay isang regular event sa solar system na nagaganap tuwing ika-apat na taon. Ngayon ay sinasabing nagkakaroon ng solar maxima at pagkatapos ng siklo nito at magkakaroon ng solar minimum na maliit lamang ang magiging solar flare.   Idinagdag naman ni Frederick Gabriana, isang positional astronomer ng RTU, na wala rin umanong dapat ikabahala at hindi dapat iugnay sa pagkagunaw ng mundo ang magaganap na planetary alignment. May mga paniwala na ang paghihilera ng ilang planeta ay magdudulot ng matinding tidal force sa karagatan.   Ayon kay Gabriana, batay sa kanilang kalkulasyon, ang tidal force na ihahatid ng posibleng planetary  alignment ng mga planeta ay mahina at mas malakas pa ang tidal force na hatid ng buwan sa mundo. - RRamos/FRJ, GMA News