ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga paputok, nakumpiska pa rin sa Pangasinan


Dalawang araw matapos ang pagsalubong sa 2013, ilang kahon pa rin ng mga paputok ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Urdaneta, Pangasinan at San Fernando, La Union. Sa ulat ni Jett Arcillana ng GMA-Dagupan para sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing sinalakay ng mga awtoridad ang isang tindahan sa Urdaneta dahil sa patuloy nitong pagbebenta ng mga paputok kahit tinanggal na ng lokal na pamahalaan ang bisa ng mga permit sa pagbebenta ng nasabing produkto. Kabilang umano sa mga nakumpiska ay mga ipinagbabawal na uri ng paputok gaya ng piccolo at bawang. Paliwanag ni F/C Insp. Arthur Sawate, ng BFP-Urdaneta, kailangang kumuha ng special permit ang sinumang nais magtinda pa rin ng paputok kahit tapos na ang pagsalubong sa bagong taon. Bukod dito, hindi maaaring ibenta ang mga paputok sa mataong lugar at kailangang malayo ito sa mga residential houses para maiwasan ang sunog. Kaagad namang winasak ang mga nakumpiskang paputok na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000. Ibinabad ang mga ito sa isang drum na puno ng tubig. Ilang kahon din ng paputok ang nakumpiska ng mga awtoridad sa San Fernando, La Union. Nang sisirain na ang mga ito, biglang nagliyab at sumabog ang mga paputok. Wala namang nasaktan sa nasabing insidente. - FRJ, GMA News