'Bossing' ng Kawit, nag-amok at namaril; 7 katao ang patay, 9 pa, sugatan
Isang lalaki na binansagang “Bossing" sa kanilang lugar sa Kawit, Cavite ang nagwala at namaril ng mga kapit-bahay nitong Biyernes ng umaga. Isang buntis at dalawang bata ang kabilang sa mga nasawi. Sa ulat ng dzBB radio, sinabing napatay ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si Ronald “Bossing" Bae, residente ng Barangay Tabon 1, Kawit sa Cavite. Kilala umano sa lugar si Bae na madaling lapitan at hingan ng tulong kaya nabansagan itong “bossing" sa kanilang lugar. Ayon kay Senior Superintendent Dionisio Borromeo, deputy director for administration ng Cavite provincial police, siyam na iba pang kalugar ni Bae ang nasugatan sa nasabing pagwawala ng suspek. "Walo na ang patay kasama ang gunman, at siyam ang sugatan," ayon sa opisyal. Kinilala ni Borromeo ang mga nasawi na sina: Alberto Fernandez Micaela Caimol, 7 Boyet Toledo, taho vendor Irene Cuelas, 38, fruit vendor Jan May de Vera, 3 Rhea de Vera, 34 Ann Orio, 30 Sinasabing may problema sa pamilya ang suspek at ilang araw na umanong umiinon ng alak bago nagwala nitong Biyernes. Bukod dito, pinaniniwalaang lango rin sa iligal na droga ang suspek. Kinondena ng Palasyo Kinondena naman ng Malacañang ang pinakahuling insidente ng karahasan sa pamamaril, na magpapaigting umano sa kampanya laban sa mga hindi lisensiyadong baril sa bansa. “Unang-una, kinokondena po natin yung nangyari, especially [since] may mga bata po na nabiktima," ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte. “As of the moment, what we can say is that this incident will certainly fuel the efforts of the PNP (Philippine National Police) into their drive against loose firearms." Sariwa pa ngayon ang insidente ng pagkamatay ni Stephenie Nicole Ella, na namatay matapos tamaan ng ligaw na bala sa Caloocan mula sa nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa bagong taon. Kamakailan lang ay nagbigay ng pahayag si presidential spokesperson Edwin Lacierda na ang naganap na shooting rampage sa isang paaralan sa Connecticut, USA, ay malabong mangyari sa Pilipinas. Sa nangyaring pamamaril sa Connecticut, 20 sa mga biktima ay mga batang mag-aaral. “We have a big difference with the US. Number one, in the United States it (owning a gun) is a right. In the Philippines, it is a privilege," pahayag noon ni Lacierda. Lumaban sa pulis Sa naunang ulat ng dzBB, sinabing nakipagpalitan ng putok sa mga pulis si Bae bago napatay. Nakuha umano sa bahay ni Bae ang ilang drug paraphernalia at isang expired license para sa M-16 rifle. "Maaaring hinalong depression, alcohol at droga kaya ginawa niya ang krimen na ito," ayon kay Borromeo . Hindi rin pinatawad ni Bae sa kanyang pagwawala ang kanyang inaanak na binaril nito gamit ang cal-.45 pistol. Samantala, nag-alok naman si Cavite Governor Juanito Victor Remulla ng P100,000 pabuya para mahuli ang isang John Paul, na caretaker umano ng bahay ni Bae. Sa isang ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas," sinabi ng ilang saksi na nakita nila si John Paul na nag-aabot ng bala kay Bae habang nagwawala. Inako naman ni Remulla ang gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatan. Iimbestigahan din ng gobernador ang impormasyon na noong Miyerkules pa inireklamo sa local police si Bae dahil sa pagpapaputok ng baril pero hindi umano ito inaksiyunan ng mga pulis. "January 2 pa lang, may complaint na sa pulis. Nagpapaputok na [pero] walang nag-aksyon na pulis," ani Remulla. "January 4, lumabas ng bahay at nag-amok na," dagdag nito. Sinisikap ng GMA News Online na makuha ang panig ng Cavite police tungkol sa nasabing reklamo. — FRJ, GMA News