Mga may edad na deboto, sana 'wag nang sumali sa prusisyon ng Nazareno — opisyal ng DOH
Pinakiusapan ng isang opisyal ng Department of Health ang mga may edad na deboto ng Itim na Nazareno na huwag sumama sa prusisyon para na rin sa kanilang kaligtasan. Iginiit ni National Epidemiology Center head Dr. Enrique Tayag na magdasal na lamang sila sa halip na sumali pa. "Ang mga matanda, advice namin ipagpaliban [muna ang pagsali sa procession]. Magdasal [na lamang] sa bahay o sa simbahan," pahayag ni Tayag sa panayam ng dzBB. Umabot ng 22 oras ang prusisyon noong nakaraang taon dahil nasira ang gulong ng karwaheng nagdadala sa imahen ng patron patungong Quiapo Church. Ayon din kay Tayag, nagtalaga na ang Department of Health ng medical teams sa ilang lugar sapagkat inaasahan ng DOH ang pagdagsa ng daan-daang libong mga deboto sa Jan. 9 para sa prusisyon. "Ang appeal namin sana maging mahinahon lahat," dagdag pa niya. Respeto sa isa't isa Samantala, dapat umanong respetuhin ng bawat deboto hindi lamang ang patron kundi ang mga kapwa rin nilang mga deboto, ayon kay Msgr. Jose Clemente Ignacio, rector ng Quiapo Church. Nakiusap din siya sa mga nagtitinda malapit sa Quiapo Church na bigyang daan ang mga deboto, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa dzBB. Sinabi ni Ignacio, kailangang magpakita ng respesto ang mga deboto sa isa't isa sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay. Pinayuhan din niya ang mga bagong deboto na humiling ng payo sa mga beteranong deboto sa kanilang gagawin, upang hindi malito o masaktan sa seremonya. Nagbabala rin siya sa pagiging "de-botes," ang tawag sa mga debotong naglalasing habang dinaraos ang kapistahan ng Itim na Nazareno. Milyon-milyong mga ang inaasahang daragsa sa Maynila ngayong linggo upang makilahok sa taunang piyesta ng Nazareno, na pinaniniwalaang may taglay na kapangyarihang magkaloob ng mga kahilingan ng mga nananampalataya. Ayon sa isang artikulo sa news site ng Catholic Bishops Conference of the Philippinas, inaasahang aabot ng anim hanggang walong milyong mga deboto ang dadalo sa prusisyon ngayong taon. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News