Mga pulis na sangkot sa Quezon 'shootout,' 'di raw naka-uniporme sa checkpoint
Hindi nakasuot ng uniporme ang halos lahat ng mga pulis na nasa checkpoint ng Atimonan, Quezon at sinasabing nakasagupa ng 13 katao na pawang nasawi noong nakaraang Linggo. Isa lamang ito sa mga paglabag sa patakaran ng pulisya na napuna ni Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima na kanyang inihayag sa ipinatawag na press conference sa Camp Crame nitong Miyerkules. Habang patuloy ang imbestigasyon sa nangyaring sagupaan, sinabi ni Interior Secretary Mar Roxas na tinanggal na sa kanyang puwesto si Quezon provincial police chief Val de Leon. “Sa operation na iyon, the police operational procedures were not followed," ani Purisima. "Dapat meron pong police vehicle with visible marking. The personnel at the checkpoint should be in uniform, hindi yung naka-civilian," dagdag niya. Ibinatay ni Purisima ang kanyang pahayag sa mga inisyal na imbestigasyon sa nangyaring barilan na iginigiit ng mga operatiba na "shootout" at hindi "rubout." Walang palatandaan Bukod dito, pinuna nina Purisima at Roxas na wala ring mga palatandaan o marka ang sasakyan ng pulis sa mismong lugar ng checkpoint kung saan pinapahinto ang mga sasakyan. Ayon sa kanila, sa 40 pulis na kasama sa checkpoint, tanging isa lamang ang naka-uniporme -- ang hepe ng Atimonan police. Patuloy ni Roxas, ang mga signage ng checkpoint na mayroon unipormadong pulis ay nakalagay sa layong 500 meters kung saan pinapahinto ang mga sasakyan. Ngunit wala umanong signage o markadong sasakyan ng mga awtoridad na nakita kung saan talaga isinasagawa ang checkpoint. Bukod sa mga pulis, mayroon ding kasama sa checkpoint na 15 PNP intelligence operatives na hindi rin nakauniporme at ang iba naman ay mga sundalo na naka-fatigue uniform. “Merong babala na may PNP checkpoint, pero doon sa checkpoint proper, walang signage na ito na nga yung checkpoint. Walang PNP-marked vehicle at sa halos 40 na tao na andun na nagma-man ng checkpoint, isa lang—ang chief of police ng Atimonan—ang naka-uniporme," ayon kay Roxas. Bukod kay De Leon, sinabi ni Roxas na “deemed in restrictive custody" ang mga pulis na kasama sa barilan. “Doon lang sila sa quarters nila. Hindi sila pwedeng lumabas sa Camp Vicente Lim sa Region IV," ayon sa kalihim. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News