Sinulog Festival ng Cebu, pinaghahandaan na
Pinaghahandaan na ng mga Cebuano ang isa sa mga pinakamalaking kapistahan sa bansa -- ang Sinulog Festival na gaganapin sa Enero 20. Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing sinimulan na ang pagpapatala ng mga bangkang sasali sa fluvial parade at sinimulan na ring ayusin ang simbahan para sa selebrasyon ng imahe ng Senyor Sto Niño. Ang Sinulog na ibig sabihin ay "sulog" o agos ng tubig ay tradisyon na pagsasayaw sa Sto Niño ng paatras at abante. Sinasabing nagsimula ito nang dumating sa lalawigan ang manlalakbay na si Magellan bitbit ang imahe para ipakilala ang kristiyanismo. Ilan sa mga aktibidad sa kapistahan ay ang fluvial parade, grand parade, mga kompetisyon, pagdarasal at iba pa. Ngunit higit sa kasiyahan, ang kapistahan ay pagpapakita rin ng pananampalataya ng mga tao at pagpapahalaga sa kultura at pagkakakilanlan ng isang bayan. Katunayan, ang Sinulog festival ang ginamit na sagot ni 2012 Miss Tourism International Rizzini Alexis Gomez nang isalang sa question and answer ng kompetisyon. Bilang bahagi ng paghahanda sa sikat at dinadayong kapistahan, naghigpit na rin sa seguridad ang pulisya para matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa lalawigan. - FRJ, GMA News