ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Inouye nag-file muli ng bill para sa Pinoy veterans


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inaasahang malapit nang maipasa ng US Congress ang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng benepisyo ang mga beteranong Filipino na nakidigma kasama ng mga sundalong Amerikano noong World War II. Sa pagbubukas ng ika-110 US Congress nitong Enero, inihain muli ni Democrat Sen. Daniel K. Inouye ng Hawaii ang “Filipino Veterans Equity Act of 2007." Sina Democrat Reps. Bob Filner at Darrell Issa naman ang inaasahang maghahain ng counterpart bill sa Kamara. Sa ulat ni Joseph Lariosa na inilathala sa filipinoexpressonline, inihayag ni Inouye, na ang panukalang Filipino Veterans Equity Act ay magkakaloob ng mga benepisyo na nararapat lamang para sa mga Pinoy veterans. Ang mga benepisyo ay kinabibilangan ng health care, mga disability compensation, non-service connected disability compensation, dependent indemnity compensation, death pension, at full burial benefits." Tulad ng naunang panukala na inihain Inouye sa Committee on Veterans Affairs, layunin nito na amendahan ang Title 38 ng United States Code na nagsasaad na: “to deem certain service in the organized military forces of the Government of the Commonwealth of the Philippines and the Philippine Scouts to have been in active service for purpose of benefits under programs administered by the Secretary of Veterans Affairs." Nakasaad din sa ulat ni Lariosa na sa pamamagitan ng panukala ni Inouye, ang mga WW II Filipino Veterans na ninirahan sa US, sa Pilipinas at sa iba pang panig ng mundo, ay dapat tumanggap ng benepisyo katulad ng tinatanggap ng WWII veterans ng US Armed Forces. Lumitaw na sa 66 bansang kaanib ng Allied Forces, tanging mga beteranong Pinoy ang hindi nakasama sa mga nabigyan ng benepisyo nang pagtibayin ang Rescission Act of 1946 noong Feb. 18, 1946. Kailangan a boto ng ng 51 senador para maipasa ang panukala at pagkatapos ay ipapasa ito sa Kamara bago makarating sa White House upang maisabatas sa pagpirma ni President George W. Bush. Noong nakaraang Kongreso na pinamumunuan pa ng Republicans, 42 mambabatas ang sumuporta sa naturang panukala. Pinapaniwalaan na higit na malaki ang tsansa ngayon taon na maipasa ang panukala dahil sa pagpapalit ng liderato sa Kongreso kung saan tumatayong mayorya ang mga kaanib ng Democrats. - Fidel Jimenez, GMANews.TV