ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga napatay sa Quezon 'shootout,' posible raw na 3 beses lang nakapagpaputok ng baril


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kung pagbabatayan ang nakuhang mga basyo ng bala sa loob sa dalawang sasakyan na nabistay ng bala sa umano'y shootout sa Atimonan, Quezon, posibleng hanggang tatlong beses lang nakapagpaputok ng baril ang mga nasawi. Ito ang lumilitaw sa paunang imbestigasyon na isinasagawa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na sumuri sa dalawang sasakyan ng 13 katao na nasawi sa pakikipagbarilan umano sa mga awtoridad sa checkpoint sa Atimonan noong Linggo. Sa ulat ni GMA reporter Mav Gonzales sa State of the Nation (SONA) nitong Biyernes, nabanggit din nito ang magkaibang bilang ng NBI at mga imbestigador ng Philippine National Police (PNP) sa tama ng mga bala na tumama sa dalawang sasakyan. Kung pagbabatayan umano ang downward trajectory o tama ng mga bala sa sasakyan, lumilitaw umano na hindi nanggaling sa loob ng sasakyan ang maraming putok ng baril. Sa unang sasakyan na Montero Sport na may commemorative plate na PNPA, dalawang basyo ng bala mula sa kalibre 45 baril ang nakita. Isang basyo naman ng bala ang nakita sa ikalawang sasakyan. Ang naturang mga basyo ng bala ay susuriin at ihahambing kung tutugma sa mga nakuhang baril sa sasakyan ng mga napaslang. Naniniwala rin ang mga imbestigador ng NBI na nakababa ang bintana ng mga sasakyan nang maganap ang barilan. Sa bilang ng NBI sa mga tama ng bala sa unang sasakyan, umabot sa 213 bala ang pumasok sa sasakyan at 37 bala naman lumabas o tumagos sa sasakyan. Sa unang pagsusuri na ginawa ng PNP, umabot lang sa 184 ang nabilang nilang entry point at 91 ang exit point. Karamihan din umano sa tama ng mga nasawi ay nagmula sa matataas na kalibre ng baril kung pagbabatayan ang mga butas sa sasakyan at tama sa katawan ng mga biktima. Patuloy naman umano na isinasailalim sa pagsusuri ang ikalawang sasakyan. Samantala, nakakuha naman ang Commission on Human Rights Region 4 ng apat pang slug ng baril sa lugar na pinangyarihan ng engkwentro nang isagawa ang re-enactment sa crime scene. Una rito, inatasan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang NBI na pangunahan ang imbestigasyon sa naturang insidente dahil na rin sa mga hinala na rubout at hindi shootout ang nangyari. - FRJ, GMA News