Suspek sa pagpatay at paggahasa sa batang babae sa Cavite, iginiit na inosente
Iginiit ng mga suspek sa pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa isang siyam na taong gulang na babae sa Dasmariñas, Cavite na wala silang kinalaman sa nasabing krimen. Taliwas ito sa naunang pahayag ng pulisya na umamin umano ang mga nadakip na suspek. Sa ulat ni GMA reporter Chino Gaston sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, iginiit ni Jayson Cubian, 20-anyos, na wala silang kinalaman sa nangyaring karumal-dumal na krimen. Nang araw na mawala ang biktimang si Zosimae Magluyan noong Disyembre 25, sinabi ni Cubian na wala sila sa sinasabing bahay sa Barangay San Lorenzo 2 sa Dasmariñas --kung saan nakita ang bangkay ng bata noong Enero 5. Bukod kay Cubian, dinakip din at itinuturing suspek sa krimen sina Rodel Cubian, 23 at Ryan Delequeña, 25. Isa pang menor de edad ang dinakip at ipinaubaya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Cavite. Ayon sa ulat, mayroon pang mga suspek na tinutugis ang mga pulis. Gabi noong Disyembre 25 nang ipagbigay-alam sa pulisya ng mga magulang ni Magluyan na nawawala ang biktima. Noong Enero 5, nakita ng mga nangangalakal ng basura ang bangkay ng bata sa silong ng bahay sa Barangay San Lorenzo 2 na natatabunan ng lupa at mga basura. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, itinali ang bata sa ilalim ng bahay, binusalan ang bibig at maaaring namatay sa gutom. Nang ilibing umano ang biktima, nakita pang nakipaglibing at bumuhat sa ataul ng bata ang mga suspek. Nahuli ang mga suspek matapos na magsumbong sa barangay ang isa sa mga kasama sa inuman (ng alak) nang araw na kunin ang biktima. Sinasabing inusig ng konsensiya ang tumatayo ngayong testigo sa kaso. Sa nakaraang panayam ng GMA News Online kay PO1 Ellaine Magsino ng Dasmariñas police, sinabi nito na umamin umano ang mga suspek na hinalay nila ang bata ng hanggang tatlong ulit. (Basahin: Girl, 9, missing for 12 days, found dead in Cavite). Tatlong araw na rin umanong patay ang biktima bago ito natagpuan noong Enero 5. - FRJimenez, GMA News