ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Insidente sa Atimonan, ambush umano at hindi shootout, ayon sa ulat
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Napatay umano sa ambush at hindi sa shootout ang 13 katao, kabilang ang ilang pulis at isang environmentalist, sa Quezon province noong nakaraang linggo, ayon sa ulat ng Philippine Star nitong Lunes.
Ayon sa ulat ng pahayagan, mayroon umano silang source, na hindi nila pinangalanan, na nagsabing ang impormasyong nakalap ng Philippine National Police (PNP) sa madugong insidente “indicate the possibility that an ambush occurred instead of a shootout.”
Nang tanungin naman sa isang panayam nitong Lunes kung ambush nga ba ang naganap na engkwentro, inihayag ni PNP chief Director General Alan Purisima kay News To Go anchor Howie Severino na: "Yung ating report na natanggap ay kasalukuyan nating nire-review. 'Yung ating action will be dependent sa kung ano 'yung talagang nakasaad sa report."
Hindi na ito pinaliwanag ni Purisima.
“Lahat ng items sa Atimonan incident, NBI lang ang pwedeng magsalita at amin ay report na ginawa ng fact-finding committee will be given to the NBI,” dagdag niya.
Sa parehong panayam, inihayag ng pinuno ng PNP na sasampahan ng mga kasong administratibo ang mga pulis na lumabag sa protocol noong insidente.
Nauna namang inamin ni Purisima na nagkaroon ng mga lapse sa pagtatayo ng checkpoint, na binalewala umano ng 13 mga umano'y miyembro ng gang. Hindi rin umano nakasuot ng uniporme ang mga pulis at wala ring sign o police car sa checkpoint—na paglabag din umano sa protocol.
“'Yung mga violations na 'yun will be subject for administrative charges against sa personnel na kasama doon,” aniya.
Noong Enero 7, 13 kalalakihan, kabilang na ang isang environementalist at dalawang pulis, ang napatay ng ilang mga pulis matapos balewalain umano ng kanilang convoy ang unang checkpoint sa bayan ng Atimonan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng NBI team, karamihan sa mga gunshot ay hindi mula sa mga biktima.
Base sa narekober na basyo ng bala mula sa lugar, sampung beses lamang nagpaputok ang mga pasahero, ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa "24 Oras" noong Enero 13.
Sa isinagawang inspeksyon sa dalawang SUV, nakahanap ang NBI team ng mahigit 214 entry points at 96 exit points sa isang SUV na mayroong PNP commemorative plate at nakatamo naman ng 59 entry points at 33 exit points ang ikalawang SUV na walang license plate.
Marantan, iimbestigahan
Ayon kay Purisima, may ilang patakarang dapat sundin sa pagtatayo ng mga checkpoint, ang mga ito ay:
- ang lokasyon ay dapat nasa mailaw na lugar,
- nakatayo ang mga marka o signs,
- nakasuot ng uniporme ang mga pulis, at
- may patrol car sa lugar.
Iimbestigahan na si Superintendent Hansel Marantan, ang nag-iisang pulis na sugatan mula sa insidente sa Atimonan, ayon kay Purisima.
Ayon sa kanya, gagamitin din sa imbestigasyon ang balang narekober mula sa binti ni Marantam.
"'Eto pong nakuhang ito ay gagamitin ng NBI sa kanilang imbestigasyon na ginagawa," ani Purisima.
Dati nang nasangkot si Marantan, na ang umano'y namuno sa police team sa checkpoint, sa mga nakaraang engkwentro kasama ang mga hinihinalaang mga kriminal, kabilang na ang barilan noong Nobyembre 2005 sa pagitan ng pulis at tatlong hinihinalaang magnanakaw ng mga kotse sa Ortigas, Pasig.
"'Yun po ay hinahalukay natin para ma review kung bakit nagkaganoon 'yung mga kaso na 'yun," ani Purisima.
Nauna nang inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima na iimbestigahan ang mga kasong ito, ang mga may kinalaman sa mga shootout, sapagkat "it might be important in establishing the motive, especially kung ang kalalabasan ng investigation ay negative ang encounter."
Itinanggi na ni Marantan, PNP intelligence officer ng Region IV-A, na may kaugnayan ito jueteng, at iginiit na miyembro ng grupong gun-for-hire ang 13 napatay at sangkot sa isang illegal numbers game. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular