ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagkamatay ng 13 lalaki sa Atimonan, Quezon, hindi 'justified' — NBI official


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi "justified" ang pagkamatay ng 13 lalaki sa umano'y shootout sa lalawigan ng Quezon noong nakaraang linggo, ayon sa isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI). “Parating itinatanong kung rubout ba ito o encounter. At this time, kung ako ang tatanungin on whether the killing is justified or not, tingin ko hindi," ayon kay NBI deputy director for regional operations services Virgilio Mendez sa GMA News Online. “They [law enforcers] might be claiming that they were performing their law enforcement duties. Basta ang sa akin sa tingin ko, the killing was not justified," dagdag niya. Ayon kay Mendez, ibinase niya ang kanyang obserbasyon batay sa resulta ng isinagawang re-autopsy sa mga labi ng mga nasawi, ballistics examinations, at mga pahayag na nakalap ng ahensiya sa mga sibilyan at testigo. “I have basis on saying this. Hindi naman puwedeng opinyon ko lang ito. This is based on the evidence we have so far," pagdiin pa niya. Noong Enero 7, napatay ng mga awtoridad na kinabibilangan ng mga pulis at sundalo ang 13 lalaki — na kinabibilangan naman ng isang environmentalist at dalawang pulis —dahil hindi umano tumigil ang kanilang convoy sa checkpoint na inilagay sa Atimonan, Quezon. Ayon sa mga pulis, miyembro ng grupong gun-for-hire ang mga napatay, bagay na mariing itinanggi ng mga kamag-anak ng mga biktima. Sa inisyal na imbestigasyon ng NBI -- ang ahensiyang inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III na manguna sa imbestigasyon-- lumilitaw na maaaring hanggang 10 beses lang nakapagpaputok ng baril ang mga biktima. Samantala, ang dalawang sasakyan na ginamit ng mga biktima ay nabistay ng mga bala mula sa mga operatiba. Ang isa sa mga sasakyan, lumitaw na nagtamo ng mahigit 214 entry points at 96 exit points na tama ng mga bala. Sa ulat ng pahayagang Philippine Star, inihayag na mayroon silang impormante na hindi tinukoy ang pangalan, ang nagsasabi na may posibilidad na ambush at hindi shootout ang naganap na barilan sa Quezon. Subpoena para sa mga senior official Sa hiwalay na panayam ng GMA news "24 Oras" nitong Lunes ng gabi, inihayag ni Mendez na bagaman may pagdududa siya na napatay sa shootout ang mga biktima, hindi naman daw akmang salita ang “ambush" para ilarawan ang naganap sa insidente. Sinabi nito na inimbitahan na nila ang 12 matataas na opisyal ng pulisya at militar na sangkot sa nasabing operasyon upang makuha ang kanilang mga testimonya. Kabilang sa mga opisyal na ito ay sina Region IV-A police director Chief Superintendent James Melad, Quezon provincial police head Senior Superintendent Valeriano de Leon, at Superintendent Hansel Marantan, ang nag-iisang opisyal na sugatan sa umano'y shootout. Dagdag ni Mendez, inaasahan niya na ang pinal na ulat tungkol sa insidente sa Quezon ay maibibigay nila kay Justice Secretary Leila de Lima sa Biyernes. Reformat sa PNP report Samantala, sinabi naman ni PNP Director General Alan Purisima, na nagpasya siyang ibalik sa mga imbestigador ang report ng fact-finding team ng PNP upang ayusin ito. “Hindi po maganda yung organization... I gave them up to this day to reformat their report to me and be clear on what they are (threading) in their report," paliwanag ni Purisima sa briefing noong Lunes ng hapon. “Kung magbabasa ka kasi, gusto mo sana kapag binasa, naintindihan mo kahit hindi ka imbestigador," dagdag niya. Pagtiyak ni Purisima, nakikipagtulungan ng husto ang PNP sa NBI upang malaman kung ano ang tunay na naganap sa nasabing "shootout." - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News