ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mahigit 100 estudyante sa isang elementary school sa Pangasinan, sa ilalim ng puno nagka-klase


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kabila ng mga pangako ng pamahalaan na tutugunan ang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan, mayroon pa ring mga estudyante na nagka-klase ilalim ng puno o wala sa loob ng silid-aralan. Gaya na lamang sa ulat ni Katrina Aquino ng GMA-Dagupan kung saan ipinakita ang mga mag-aaral ng San Vicente Elementary School sa Sta Maria, Pangasinan, na inabutang nagkaklase sa ilalim ng puno ng acacia. Sa nasabing ulat na ipinalabas sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing mag-aapat na buwan ng nagkaklase sa ilalim ng puno o sa covered court ang may 100 estudyante ng paaralan. Bagaman inayos na noong nakaraang taon ang mga lumang silid-aralan ng paaralan, kaagad naman itong nasira bunga ng malalakas na bagyo na tumama sa lalawigan. Hindi na muling naipasaayos ang mga silid-aralan dahil sa kakapusan umano ng pondo. Bunga nito, nanawagan ang mga guro at mag-aaral sa pamahalaan na maayos na sana ang mga silid-aralan para bumalik na sa normal ang kanilang klase. Ayon sa isang grade six pupil na naghahanda sana sa National Achievement Test, hindi sila makatutok sa leksiyon dahil magkakatabi lang ang ibang klase at hindi maiwasan na magkaroon ng ingay. Una rito, inihayag ng Department of Education na maaga silang pagpaparehistro ng mga estudyanteng papasok sa mga pampublikong paaralan para maaga rin nilang makita ang mga posibleng magiging problema tulad ng kakapusan ng silid-aralan. Ang pagpapatala ng mga mag-aaral para sa susunod na pasukan ay isasagawa sa darating na Enero 26. - FRJ, GMA News

Tags: pangasinan