30 patay sa hostage crisis sa Algeria; bihag na Pinoy nakatakas
Sinalakay ng Algerian forces ang isang gas field sa disyerto para iligtas ang daan-daang hostages ngunit 30 sa mga bihag, kasama na ang ilang Westerners, ay nasawi sa pag-atake; at 11 sa Islamist hostage-takers napatay din, ayon sa ulat ng Reuters. Ayon naman sa Philippine Department of Foreign Affairs nitong Biyernes, isang bihag na Filipino ang nasugatan ngunit nakatakas ito. Kinumpirma ni DFA spokesman Raul Hernandez na sinabi ng Philippine embassy sa Tripoli na ang Filipinong bihag, na hindi muna inihayag ang pangalan, ay bahagyang nasugatan. "May confirmation ang ating embahada sa Tripoli na nakatakas ang bihag na Filipino pero 'slightly injured siya.' Papunta siya sa Algiers para magpagamot," ayon kay Hernandez sa panayam ng dzBB. Tinangkang pag-rescue, pumalpak Samantala, sa ulat ng Reuters, sinabi na hindi umano maikubli ng Western leaders ang pagkainis sa Algerian government dahil hindi ipinaalam sa mga rescuer ang buong sitwasyon sa hostage-taking bago ang ginawang pagsalakay, na humantong sa madugong engkwentro. Marami umano na Westerners ang napabilang sa mga dinukot ng mga Islamist, ayon sa source ng Reuters. Ayon sa isang Irish engineer na nakaligtas, nakita niya ang apat na jeep na puno ng mga bihag ang pinasabog ng mga sundalong Algerian, na ayon sa mga commander nito pinasok nila ang gusali kung saan ikinulong ang mga bihag, 30 oras matapos ang pagsalakay dahil hiniling umano ng hostage-takers na dalhin nila ang kanilang mga bihag sa ibang bansa. Natapos ang hostage crisis sa Algeria na naglagay sa Paris sa alanganing sitwasyon dahil bago ang hostage-taking inatake ng mga sundalo ng France ang mga kaalyado ng hostage-takers na mga miyembro ng al Qaeda sa Mali, kapit-bansa ng Algeria. Nag-iwan umano ng malaking katanungan ang hostage-taking sa kakayahan ng Algeria, isang miyembro ng OPEC, na protektahan ang "vital energy resources" – bagay na ikinasama ng loob ng Western powers. Kabilang sa mga napatay sa rescue operation ang dalawang Japanese, dalawang Briton at isang Frenchman, ayon sa source ng Reuters. Walo sa napatay na hostages ay mga Algerian. Hindi pa umano matiyak kung ano-anong nasyunalidad ng ibang mga bihag at dose-dosenang mga nakatakas. Aabot naman sa 14 ang mga bihag na Hapones ang hindi pa matiyak kung saan napadpad, ayon sa kanilang Japanese employer. May mga Amerikno, Norwegian, Romanian at Austrian umano na nabanggit ng kani-kanilang mga pamahalaan na kasama sa mga binihag ng mga militanteng Islamist, na tinagurian ang sariling grupo na "Battalion of Blood" na nanawagan na wakasan na ng France ang isang linggo nang opensiba sa bansang Mali. Inatake ng France ang mga Islamist sa Mali para tulungan ang gobyerno laban sa mga rebelde. Sa pangambang magkaroon ng multinational Islamist resistance sa buong Sahara, nagpadala ang France ng mga tropa sa Mali noong nakaraang linggo. Truck ng mga bihag, pinasabog Ayon umano kay Stephen McFaul, isang Irish electrical engineer na nakaligtas, pinasabog umano ng Algerian army ang apat na jeep na puno ng hostages, pag-uulat ng Reuters. "(The gunmen) were moving five jeeploads of hostages from one part of the compound," his brother Brian McFaul said. "At that stage, they were intercepted by the Algerian army." "The army bombed four out of five of the trucks and four of them were destroyed... He presumed everyone else in the other trucks was killed ... The truck my brother was in crashed and at that stage Stephen was able to make a break for his freedom." Ayon umano kay McFaul, hindi siya sigurado kung galing sa ground troops o mula sa helicopter ang missles na tumama sa mga truck na puno ng hostages. — LBG, GMA News