ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

K-Pop, dahilan ba ng paghina ng OPM?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bukod sa mga tagahanga, ang pagiging masigasig ng Korea na isulong ang kanilang musika ang naging susi sa kasikatan ngayon ng Korean Pop Music (K-Pop), hindi lang sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo. Ayon sa OPM (Original Pilipino Music) artist na si Jim Paredes, ang paraan na ginagawa ng Korea para ipalaganap ang kanilang musika ay maaaring maging modelo ng Pilipinas para maibangon ang OPM. "Korean singing Korean, Chinese singing Chinese... tayo lang ang hindi ganun. Mobilize Filipino who speaks Filipino to the world," mungkahi ni Jim sa panayam ni Rida Reyes sa Balitanghali nitong Miyerkules. Ginawang halimbawa ni Jim ang pinasikat na kanta ni Freddie Aguilar na "Anak," na kinilala sa maraming bansa at isinalin sa iba't ibang wika. "Remember our most successful recording ever was 'Anak', it was in Tagalog. Trinanslate [translate] sa maraming languages, ang nabili pa rin 'yong Tagalog," kwento ng OPM artist. Sa paglipas ng panahon, lalo pang sumikat sa Pilipinas ang mga K-Pop artist habang tila bumababa naman ang suporta sa local Pinoy artists. Ayon sa ulat, sa kabila ng husay at talento ng mga OPM artist, nalulugi pa rin ang ilang recording companies dahil sa kabiguan na itaguyod o i-promote ang mga Pinoy label sa lokal na merkado. Ang kakulangan ng suportang ito ay malayo umano sa suportang nakukuha ng K-Pop music sa kanilang mga kababayan at maging sa kanilang gobyerno. "They [KPop groups] have five year, ten year contracts na talagang they're very polished, they're taught everything. At saka siyempre magkasabwat ang record company, ang radio, ang TV, media, government, everything in promoting them. Pati ang tourism nila kasama doon," paliwanag ni Jim. K-Pop fan boy Bukod sa mga babae, nagkakaroon na rin ng fan base ang mga K-Pop artist sa mga lalaki na kung tawagin ay "fan boys." Gaya na lamang ni Richard Oppa, 26-anyos, na nahuhumaling sa K-Pop culture at bumibili ng kung anu-anong gamit na may larawan ng kanyang paboritong Korean female group...maging ang energy drinks na may litrato ng kanyang idolo. Nang dumating sa bansa ng anim na K-Pop groups para sa isang concert, hindi niya na ito pinalampas. Hindi na siya pumasok sa trabaho, gumastos siya ng P11,000 para sa VIP ticket upang mapanood ng malapitan ang kanyang mga idolo. "Nung paglabas nila no'ng stage, as in, sobrang tumigil 'yong pagtibok ng puso ko. Simple lang dapat 'yong choreography niya, hindi gaanong kahirap [gayahin], plus 'yong lyrics mas madaling tandaan kasi paulit-ulit siya," paliwanag niya. Hindi raw ikinakahiya ni Richard ang kanyang pagiging KPop fan boy. "We show support not only by showing them na 'yong pagtili, o, so we do buy their albums and listen to their songs. We vote for them, ganun. Talagang nire-research po namin kung saan sila lalabas," dagdag ni Richard. Ang ilang kasamahan at kakilala niya, masuging naghintay sa airport nang ilang oras para makalapit sa kanilang mga idolo at makapagpaalam. "Dumating dito, eh. Makita lang namin 'yong artist buo na 'yong ano namin dun,' yong pagiging fan namin. Kasi hindi naman araw-araw na makikita mo 'yong [favorite] mo na artists 'di ba? Kahit ilang oras po (na maghintay)," sabi ni Bryan, isa ring KPop fan boy. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News

Tags: kpop, opm