ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Canadian na namaril sa loob ng Cebu City court, nauna nang idineklarang 'undesirable alien'


Bago ang malagim na insidente ng pamamaril sa loob ng korte sa Cebu City, napag-alaman na nauna nang idineklara na "undesirable alien" ng Bureau of Immigration (BI) ang retired Canadian journalist na si John Pope. Sa ulat ng dzBB nitong Miyerkules, sinabing mayroon nang deportation order ang Bureau of Immigration Region 7 laban kay Pope pero hindi ito natuloy dahil sa ginawang pag-apela ng dayuhan. Ang pagdeklara kay Pope bilang "undesirable alien" ay bunga na rin ng mga naunang reklamo laban dito at pagiging overstaying alien. Ayon kay BI- Region 7 alien control officer Casimiro Madarang III, inihain ni Pope sa Department of Justice ang kanyang apela na huwag paalisin sa Pilipinas. Nitong Martes ng umaga, binaril at napatay ni Pope sa loob ng korte ang kanyang kapitbahay na duktor na nagreklamo sa kanya ng malicious mischief at ang abogado nito. Binaril din at malubhang nasugatan ng dayuhan ang isang piskal. Matapos mabaril at masukol ng mga rumespondeng pulis, sinasabing nagbaril na sa sarili si Pope na dahilan ng kanyang pagkamatay. Dahil nakapagpasok ng baril si Pope sa loob ng korte, lalo pang hinigpitan ang seguridad sa Cebu Palace of Justice. Kinondena naman ng Integrated Bar of the Philippines ang nangyaring insidente sa loob ng korte sa Cebu at pinuna ang tumataas na insidente umano ng karahasan sa mga abogado. "The IBP shall be forming a special task force, together with government agencies and its (IBP) chapters nationwide, to address these threats to lives and the rule of law," ayon kay Trixie Cruz-Angeles, IBP public information officer. — FRJ, GMA News

Tags: cebucrime, cebu