Kapitolyo ng Cebu, nilisan na ni suspended Gov. Gwendolyn Garcia
Matapos ang 43 araw na pananatili sa kapitolyo, nilisan na ni suspended Gov. Gwendolyn Garcia ang kanyang opisina, ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules. Napag-alaman din sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu, na ikinandado ang tanggapan ni Garcia nang umalis ito ng kapitolyo. Namalagi si Garcia sa kapitolyo matapos ibaba ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kanyang anim na buwan na suspension order nitong nakaraang Disyembre. Pero paliwanag ng gobernadora, ang pag-alis niya sa kapitolyo ay hindi nangangahulugan na tinatanggap na niya ang kanyang suspensiyon. Iginiit nito na iligal ang pagsuspindi sa kanya ng DILG na nag-ugat sa reklamong inihain sa kanya ng dating bise gobernador ng lalawigan noong pang 2010. Ipapaubaya na umano niya sa taong-bayan ang ginawang pagkandado sa kanyang opisina. Hindi raw inaasahan ng kampo ni Garcia na ikakandado ang tanggapan ng gobernador dahil sa pangakong maximum tolerance ang administrasyong Aquino. Noong selebrasyon ng Sinulog Festival, iniwan din ni Garcia ang kapitolyo para makibahagi sa pagdiriwang at nakabalik din siya sa opisina. Sinabi naman ng kapatid ni Garcia na si Rep. John Pablo Garcia na gagawa sila ng legal na hakbang tungkol sa pagkandado sa opisina ng suspindidong gobernador. - FRJ, GMA News