'Magic sugar' na nakaka-cancer, nakumpiska sa isang tindahan sa Pangasinan
Ilang pakete ng pinaniniwalaang "magic sugar" ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang tindahan sa Urdaneta, Pangasinan. Ipinagbabawal ang naturang artificial sweetener dahil may sangkap ito na maaaring pagmulan ng cancer. Sa ulat ni Alfie Tulagan ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing sinalakay ng mga awtoridad ang tindahan matapos silang makatanggap ng impormasyon na may nagtitinda ng magic sugar sa lugar. Ayon kay P/Supt. Paquito Navarrete, hepe ng Urdaneta city police, alam umano ng nagtitinda na bawal ang produkto kaya itinatago niya ang pagbebenta niyo. Matapos dalhin sa presinto, pinalaya rin ang nagtitinda dahil isasailalim pa sa pagsusuri ng Food and Drug Administration ng mga nakumpiskang magic sugar. Tumanggi naman ang nahuling nagtitinda na magbigay ng pahayag sa media. - FRJ, GMA News