Kolehiyalang nasangkot sa sex video scandal, nakakuha ng suporta sa kanyang paaralan
Pinayagan ng pamunuan ng isang pribadong paaralan sa Cebu na makapagtapos ang isa nilang estudyante na nasangkot sa iskandalo matapos kumalat sa Internet ang video ng pagtatalik nila ng kanyang nobyo. Sa ulat ni Orchids Lapincao ng radio dzBB-Cebu, sinabing nakadagdag sa kontrobersiya ang pagkakakita sa video ng uniporme ng paaralan. Ngunit matapos na marinig ng mga opisyal ng pamantasan ang panig ng mag-aaral, pinayagan nila ito na makasama sa magtatapos ngayong taon. Paliwanag umano ng estudyante, ginawa nila ng kanyang nobyo ang video dalawang taon na ang nakalilipas para lamang sa kanila. Kumalat umano ang video nang mawala ang cellphone ng kanyang nobyo. Dahil sa iskandalo, ilang estudyante, guro at kawani ng paaralan ang nakakatanggap umano ng pang-iinsulto sa internet man o hindi. Dahil dito, pansamantala umanong iniutos ng pamunuan ng paaralan na ipagbawal ang pagsuot ng kanilang uniporme. Ngunit inalis na umano ang naturang kautusan na magiging epektibo sa darating na Lunes, Feb. 11. Pahayag ng paaralan Bagaman hindi binanggit sa ulat ng dzBB ang pangalan ng paaralan, naglabas naman ng kanilang pahayag ang naturang eskuwelahan na University of San Jose-Recoletos. Sa pahayag na nakalagay sa kanilang Facebook page, sinabi ni USJ-R president Fr. Enrico Peter Silab, na tinutulungan na ng paaralan ang estudyante bago pa man ito maisapubliko ang iskandalo. May nabuo na rin umanong mga hakbang para patuloy na protektahan ang privacy ng estudyante habang ipinagpapatuloy nito ang pag-aaral at maging ang kanyang internship. "The extent to which the school strategized to ensure that she could complete her studies shows there is no truth to reports that the school has excluded or expelled the student," ayon kay Fr. Silab. "Once she is able to complete the academic requirements of her course and complied with necessary procedure for graduation, she will graduate," dagdag pa niya. Ang higit umanong panganib sa ngayon ay ang pambu-bully at pang-iinsulto na nararanasan ng ilang mag-aaral, guro, kawani at alumni ng paaralan. "The school is ready, willing and able to provide legal assistance through lawyers from our prestigious School of Law and counselors from our very capable Department of Psychology to any Josenian who brings forth a complaint," ani Fr. Silab. "Students, faculty and personnel who find themselves harassed, disrespected or bullied are urged to take photographic recording or video evidence that will identify the perpetrator for easier prosecution under the law," patuloy nito. Tiniyak din niya sa USJ-R community na ang nangyaring insidente, "does not define what and who we are (but) it does present us with the opportunity to show the rest of the world that we are courageous in dealing with issues such as this." — FRJ, GMA News