Gobernador at kongresista ng Pangasinan, idinawit sa pagpatay sa alkalde ng Infanta
Sinampahan ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ) sina Pangasinan Governor Amado Espino Jr. at 1st District Rep. Jesus Celeste dahil sa pagpatay kay Infanta mayor Ruperto Martinez noong nakaraang Disyembre. Ang kaso laban kina Espino at Celeste ay batay sa ibinigay na testimonya umano ng isang minor de edad na saksi na sinasabing kasama nang planuhin ng dalawang opisyal ang pagpatay kay Martinez, ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules. Ang saksi ay sinasabing anak ng isang tauhan ni Espino. Itinuro din umano nito ang dalawang bumaril sa alkalde noong nakaraang taon. Nasa labas ng kanyang bahay si Martinez nang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek noong Disyembre 15, dakong dakong 3:00 p.m Sinasabing may kaugnay sa operasyon ng black sand mining sa lalawigan ang ugat ng pagpatay kay Martinez. Nasa ilalim ng Witness Protection Program ng DOJ ang saksi. Sa isang press conference, sinabing itinanggi ni Celeste na may kinalaman sila sa pagpatay kay Martinez. Maging ang ilang kamag-anak ng pinaslang na alkalde ay nagpahayag umano ng pagdududa sa testimonya ng saksi. Malapit na kaibigan daw kasi ni Martinez sina Espino at Celeste. Wala pa namang ibinibigay na pahayag sa naturang bagong kaso si Espino. Una rito, inakusahan si Espino na sangkot sa operasyon ng iligal na sugal sa lalawigan, partikular na ang jueteng. Itinanggi na ito ng gobernador at iginiit na pulitika ang nasa likod ng pagdadawit sa kanya sa jueteng. - FRJ, GMA News