Mga lumang bomba at granada, nakita sa abandonadong tangke ng tubig
Mahigit 90 vintage bombs at mga granada ang nakita sa isang abandonadong water tank sa Bayambang, Pangasinan. Kahit matagal nang nakababad sa tubig, posible pa rin umanong sumabog ang ilan sa mga ito. Sa ulat ni Ronald Umangay ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing 20 sa mga nakuhang granada ang nakakabit pa ang pin at maaari pa ring sumabog. Kinumpirma ng mga awtoridad ang impormasyon ng mga residente na dating kampo ng militar noong panahon ng digmaan ang lugar kung saan nakatayo ang tangke ng tubig, na nagsisilbi ring armory noon ng mga sundalo. Matapos na maingat na kunin ng mga tauhan ng Explosive Ordinance Division ng PNP-Pangasinan ang mga bomba at granada, pinayuhan nila ang mga residente na ipagbigay-alam sa kanila at huwag gagalawin sakaling mayroon pa silang makitang kahina-hinalang bakal. Magsasagawa rin ng pagsusuri ang mga awtoridad sa lugar para matiyak na wala nang bomba at granadang maiiwan doon na posibleng magdulot ng kapahamakan sa mga tao. - FRJ, GMA News