Mga armadong Pinoy sa Sabah, nagpakilalang miyembro ng Sultanate of Sulu 'royal army'
Nagpakilala umano ang aabot sa 100 armadong mga Pilipino na ngayon ay nagkukuta sa isang komunidad sa Sabah, Malaysia, na mga miyembro sila ng "royal army" ng Sultanate ng Sulu sa Mindanao. Ayon sa ulat ng Reuters, ang pagturing ng grupo sa sarili na mga miyembro ng royal army ay nakadagdag umano sa misteryong bumabalot sa pagpunta ng grupo sa Sabah. Nauna nang pinagdudahan ng mga opisyal ng Malaysia na ang mga Pilipino ay mga miyembro ng rebeldeng Moro sa Mindanao. Ngunit sinabi ng mga opisyal ng Pilipinas na hindi armado ang grupo at napadpad sila sa Sabah dahil pinangakuan sila na bigyan ng lupa doon. Ang "standoff" sa Sabah sa pagitan ng mga awtoridad doon at ng armadong mga Pilipino sa isla ng Borneo ay maaari umanong magiging mitsa ng kaguluhan sa mga magkakapit-bansa sa Timogsilangang Asya dahil sa mga panaka-nakang mga problema sa seguridad dahil sa sa illegal migration, sanhi na rin ng hindi masyadong klaro ang mga hangganan sa karagatan. Noong Huwebes, sinabi ng Malaysian police na nagpakilala ang mga Pilipino na mga kinatawan sila ng Sultanate of Sulu, na ayon kasaysayan, bahagi pa sa teritoryo nito ang Sabah, isang estado ng Malaysia sa ngayon. "We have sent a team to negotiate with them. Discussion is proceeding well and we have told them to leave Sabah peacefully, as we do not want any situation which can threaten the security of the people," ayon kay Police Inspector-General Tan Sri Ismail Omar batay naman sa ulat ng Reuters. Dagdag pa ng police inspector, pumyag ang mga Pilipino na lisanin ang Sabah kapag ibibigay ang kanilang mga kahilingan, na hindi naman nila sinabi kung anu-ano ang mga ito, ayon sa Reuters. "So far, the situation is not tense and they (the group) appear to be behaving well," ani Ismail sa isang hiwalay na pahayag. Nagpadala na ng isang team sa Sabah ang Philippine Embassy sa Kuala Lumpur para makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at upang matiyak ang mga pagkakilanlan ng mga Pilipino. Hanggang sa ngayon, patuloy na nagbabayad ang Malaysia ng taunang renta ("token amount") sa Sultanate of Sulu sa pag-okupa nito sa Sabah. — LBG, GMA News