Batas para protektahan ang mga 'battered husband,' kailangan nga ba?
“Paano ako? Saan ako pupunta?" Ito ang tanong ni Karlo na umamin na isa siyang battered husband o mister na sinasaktan ng kanyang misis. Sa panayam ni GMA Reporter Claire Delfin na ipinalabas sa “State of the Nation" ng GMA News TV nitong Huwebes, inilahad ng 29-anyos na si Karlo ang mga pinagdaanan niyang hirap sa kamay ng kanyang malupit na misis. “Halimbawa, na-late lang ako ng uwi...mumurahin ka, ipapahiya ka kahit nasa public. Sampal, kalmot, saksak ng ballpen at umabot sa kutsilyo na ang gamit niya, mabuti na lang nakailag lang ako," kwento ni Karlo. “Minsan pumasok ako sa office kita yung mga kalmot, kagat, at yung mga pasa. So during our three-years marriage, medyo bayolente nga talaga [siya]," dagdag niya. Matapos hiwalayan ang kanyang misis, inakala ni Karlo na tapos na ang kanyang bangungot, subalit mas malaking pagsubok ang kanyang hinarap. Idinemanda si Karlo ng kanyang dating maybahay dahil sa pang-aabuso daw nito. Kinasuhan siya ng paglabag sa Republic Act 9262 na kilala rin bilang Violence Against Women and Children Act, at dalawang araw din siyang nakulong. Hindi pangkaraniwan ang kwento ni Karlo. Kadalasan, istorya ng binubugbog na babae ng kanyang mister ang ating nababalitaan. Pero kakaiba man sa pandinig ang kwento ni Karlo, hindi naman siya nag-iisa. Kaya naman si Atty. Voltaire Duano, isang family lawyer, nagmungkahi na dapat magkaroon ng bagong batas na magbibigay din proteksyon sa mga lalaking binubugbog ng kanilang misis. “I don’t see any reason that there is a substantial distinction between a wife or husband, male or female. They should be equally treated in terms of protection in law," aniya. Ngunit para sa propesor na si Yolanda Ealmada, pinuno ng University of the Philippines-Diliman’s Gender Office, hindi na kailangan ang isang bagong batas para sa mga kalalakihan dahil mayroon na umanong mga batas na maaaring tumugon sa kanilang reklamo. “Sa tingin ko hindi na kailangan ng special na batas para sa mga lalaki kasi actually ang mga batas natin ang standard ay panlalaki. Pwede naman siyang magreklamo batay sa ating Revised Penal Code kasi mayroon naman doong kaso na slight physical injury, grave physical injury," paliwanag niya. Dagdag pa niya, wala silang natatanggap na reklamo ng lalaking inaabuso ng kanilang partner. Kabaligtaran naman sa kaso ng mga babae na patuloy umanong nagkakaroon ng mga kaso ng pagmamalupit ng mister kahit mayroon ng espesyal na batas para dito. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News