ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

74-anyos na lalaki sa Pangasinan, kabilang sa apat na nasawi dahil sa heat stroke


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil sa pag-init ng panahon, apat na kaso na ng heat stoke ang naitala sa pagpasok ng panahon ng summer. Kabilang dito ang pagkamatay ng isang 74-anyos na lalaki sa Sta. Barbara, Pangasinan. Sa ulat ni Hazel Cawain ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing isinugod sa ospital ang hindi pinangalanang biktima na bigla na lamang umanong natumba habang naglalakad sa ilalim ng init ng araw. Sa ospital, natuklasan na heat stoke ang tumama sa biktima na nahirapang huminga dahil sa pagtaas ng temperatura ng katawan. Sa hiwalay na ulat ng Kape at Balita, sinabing tatlo katao rin ang nasawi sa Ilocos Norte na pinaniniwalaang dulot din ng heat stroke. Dahil sa mga insidente, muling nagpaalala sa publiko ang Department of Health na mag-ingat ngayong umiinit na ang panahon. Sa tala ng PAGASA, umabot sa 31.2 degrees Celsius ang temperatura ng panahon nitong Miyerkules. Sinasabing maaaring magka-heat stoke kapag umabot sa 41 degrees Celsius ang init ng panahon. Mas matindi ang sikat ng araw sa tanghali hanggang 3:00 p.m. Kahit nasa loob ng bahay, maaari umanong ma-heat stroke, ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon. Ilan sa paraan upang makaiwas sa heat stoke ay pag-inom ng maraming tubig, magpahinga, at magpayong o gumamit ng pananggalang sa init ng araw kung lalabas ng bahay. Ilan sa sintomas ng heat stoke ay hirap sa paghinga, pagkahilo, pananakit ng ulo, panghihina at mabilis na pintig ng pulso o tibok ng puso. Ang mga paunang lunas sa na-heat stroke ay pahigain ito sa malilim na lugar, itaas ang binti, alisin ang kasuotan para guminhawa ang pakiramdam, painumin ng malamig na tubig, basain ng tubig ang katawan, o ipitan ng ice packs ang kili-kili, singit, at iba pa. - FRJ, GMA News