ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Plastic, styrofoam, ipagbabawal sa Boracay Island


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipagbabawal na sa isla ng Boracay ang paggamit ng mga plastic bag at styrofoam container alinsunod sa ipinasang ordinansa doon. Kasabay nito, isang mambabatas ang naghain ng panukalang batas para ipagbawal ang paggamit ng styrofoam container sa mga establisimyento sa buong bansa. Sa ulat ng Radyo Mo Nationwide nitong Miyerkules ng gabi, inihayag ng mga miyembro ng Konseho ng bayan ng Malay na nakasasakop sa Boracay, na malaking banta sa kalikasan ng isla ang mga plastic at styrofoam. Sinabi sa ulat na hihikayatin ang mga bakasyunista at bibisita sa Boracay na magdala ng sarili nilang "bag." Magkakabisa ang ordinansa pagkaraan ng anim na buwan matapos itong malathala sa mga pahayagan. Sa hiwalay na artikulo sa Philippine Information Agency, nakasaad na ang mga hindi susunod sa ordinansa ay pagmumultahin ng P1,000 sa unang paglabag; P1,500 sa ikalawang paglabag; at P2,500 sa ikatlong paglabag na may kasamang pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan. Ang mga establisimyento na lalabag ay sususpindihin ang permit sa loob ng isang taon. Panukala sa Kamara Sa House Bill 6836, iminungkahi naman ni Manila Rep. Ma. Theresa Bonoan-David, ipagbawal ang paggamit ng styrofoam sa mga pamilihan, malalaking tindahan, fast food chains at iba pang katulad na establisimyento. Ayon sa kongresista, higit na masama ang epekto sa kalusugan at kalikasan ng styrofoam kumpara sa mga produktong plastik. Paliwanag niya, ang styrofoam na isang Dupont trade name para sa polystyrene ay isang petroleum-based plastic. “Polystyrene airy composition makes it a very good insulator that is why it is used extensively in disposable coolers and disposable cups for hot drinks. However, some dangers exist in using this airy plastic," ani Bonoan-David. Isa sa mahalagang bahagi sa paggawa ng polystyrene ay ang styrene na maaari umanong carcinogen, batay na rin sa pag-aaral ng United States Environmental Protection Agency. Sinasabing ang mga manggagawa ng polystyrene at iba pang produktong ginagamitan ng styrene ay nakakaranas ng matinding pananakit ng ulo, iritasyon sa mata at balat, at problema sa paghinga at gastrointestinal. “There are also some central nervous system issues that have been reported, including depression after chronic exposure to styrene," dagdag niya. Sa ilalim ng panukala, ang mga may-ari ng establisimyento, tagapamahala, administrador at proprietor na lalabag ay pagmumultahin ng mula P10,000 hanggang P200,000. - RP/FRJ, GMA News