Konsultasyon sa mga OFW ukol sa DH policy kulang
Duda ang Kamara de Representante kung nagkaroon talaga ng malawak na konsultasyon ang pamahalaan sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na maapektuhan ng bagong patakaran sa pagpapadala ng mga domestic helper (DH) sa ibang bansa. Sa panayam ng GMANews.TV, sinabi Rep. Edcel Lagman (Albay), tagapangulo ng House committee on overseas Filipino workers affair, na hindi siya kontento sa mga paliwanag na ibinigay ni Administrator Rosalinda Baldoz ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa nagdaang pagdinig. Ginisa ng mga kongresista si Baldoz sa isinagawang pagdinig ng komite nitong Martes kaugnay sa bagong patakaran sa DH na nakatakdang ipatupad ng lubusan sa Marso 1. Sinalo ni Baltoz ang lahat ng tanong nina Lagman, Reps. Liza Maza (Gabriela); Simeon Datumanong (Maguindanao) at Monico Puentavella (Bacolod), matapos hindi sumipot sa pagdinig si Sec. Arturo Brion ng Department of Labor (DOLE), na umanoy nasa Malacanang. Hindi nakapagbigay ng malinaw na paliwanag si Baldoz sa komite kung talagang nakonsulta ng pamahalaan ang lahat ng sektor na maaapektuhan ng bagong patakaran lalo na ang mga DH at mga recruitment agencies. Paliwanag ni Baldoz, ang mga labor attaché sa mga bansang mayroon OFWs ang nagsagawa ng konsultasyon ngunit hindi niya tiyak kung ilang ulit ito isinagawa. Nitong nagdaang linggo, nagsagawa ng kilos protesta ang mga DH sa Pilipinas at Hong Kong para iprotestasta ang bagong patakaran sa DH. Inireklamo rin nila na hindi sila nakonsulta bago binuo ng governing board ng POEA ang bagong patakaran. Kabilang sa bagong patakaran ang pagtaas sa minimum wage ng household service workers sa $400 mula sa kasalukuyang $200; pagtaas sa edad ng DH sa 23 mula sa dating 21; at pagdaan ng isang DH sa mga pagsasanay kasama na ang pagkuha ng sertipikasyon sa Technical Education Skills Development Authority (TESDA). Nangangamba ang mga recruiters na humina ang demand sa ibang bansa para sa Pinoy DH kung itataas sa $400 ang singil. Inirereklamo naman ng mga nagbabalak na maging DH na dagdag gastos para sa kanila ang pagdaan sa mga pagsasanay. Bagaman maganda ang layunin sa bagong patakaran, sinabi ni Lagman na hindi ito naging katanggap-tanggap sa mga migranteng manggagawa dahil sa kawalan ng sapat na konsultasyon. Ayon naman kay Baldoz, ang mga Pilipino pa rin ang prayoridad ng maraming bansa na kunin kasambahay. Sa Hong Kong at Taiwan, pangalawa ang Pilipinas sa in-demand na kasambahay kasunod ng Indonesia. Ngunit sa mga bansa sa Middle East, Canada, Amerika at Italy, malaki umano ang kalamangan ng mga Filipino na siyang binibigyan ng prayoridad sa mga kinukuhang kasambahay. Samantala, ang mga bansa sa Europa at Amerika ang higit na malaking magpasahod sa mga kasambahay na higit sa $400 bawat buwan. Pinakamaliit naman magpasahod ang mga bansa sa Middle East na umabot lang sa $200 bawat buwan. Ipagpapatuloy ng komite ang pagdinig patungkol sa bagong polisiya sa DH sa Huwebes.-Fidel Jimenez,GMANews.TV