Ilang MNLF fighters pumunta sa Sabah upang tumulong sa mga tauhan ni Kiram
Papunta na umano sa Sabah ang ilang beteranong mandirigma ng Moro National Liberation Front sa Mindanao upang tumulong mga tagasunod ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III na kasalukuyang nakikipaglaban sa mga puwersa ng Malaysia. Ayon sa isang lider ng MNLF, nagpupumilit umanong pumunta sa Sabah ang mga beterano nilang mandirigma, na hasa na sa ilang dekadang pakipagsagupa sa mga puwersa ng gobyerno ng Pilipinas, ayon kay Muhajab Hashim sa panayam ng Agence France Presse. "Many have slipped through the security forces. They know the area like the back of their hands because they trained there in the past," dagdag pa ni Hashim. "We are expecting more of them to join (the fighting) even if our official instruction is for them to refrain from going [to Sabah]." Ayon sa AFP, kung totoo umano ito, makakaharap ng Malaysian forces – na kakaunti lamang o walang karanasan sa pakikipagdigma – ang mga subok nang Moro fighters. Dagdag pa ng ulat sa AFP, ang Malaysia ay nagtamasa ng kapayapaan sa hinaba-habang panahon sa kasaysayan nito. Hindi umano nabanggit ni Hashim kung gaano karami ang mga mandirigma ng MNLF ang umalis papuntang Sabah, ngunit sinabi nitong "libu-libo" umano ang nagpahayag ng kagustuhang pumunta doon, ayon sa ulat. Si Hashim ay chairman ng Islamic Command Council na nangangasiwa sa sandatahang-lakas ng MNLF. Dapat sanang isinuko na ng mga mandirigma ng MNLF ang kanilang mga armas matapos malagdaan ang 1996 peace pact sa gobyerno ng Pilipinas, ngunit hindi lahat sa kanila sumunod sa kasunduan. Hindi umano opisyal na pinahintulutan ang pagpunta ng ilan sa kanilang mga mandirigma sa Malaysia, pero sinusuportahan naman umano ng liderato ng MNLF ang hakbang ng Sulu Sultan na bawiin ang Sabah bilang bahagi ng sultanato ng Sulu. "MNLF fighters are adherents of the sultan, we are followers. So there is more than an alliance," ani Hashim. "We feel very strongly against the attacks against our brothers from Sulu." Naglunsad ng malawakang opensiba noong Martes ang Malaysia laban mga tauhan ni Sultan Kiram apat na araw matapos ang bakbakan noong ika-1 ng Marso – aabot na umano sa 27 katao ang napatay mula sa magkatunggaling kampo mula noong Biyernes. Samantala, ayon sa tagapagsalita ng sultanato mula sa Maynila, hindi umano tinamaan ng Malaysian airstrike ang may 100 hanggang 300 mga tauhan ng Sulu Sultan. Itinatag ng Muslim scholar na si Nur Misuari ang MNLF upang ipaglaban ang lupain ng mga Muslim sa Mindanao noong huling mga taon ng dekada 60. Ang pakikipagdigma ng MNLF laban sa gobyerno ng Pilipinas ay minsa'y nakatanggap din ng suporta mula sa Malaysia, ayon sa ulat ng AFP. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News