Pagdeklarang cultural heritage sa mga historic site ng Iloilo City, magpapasigla sa turismo
Inaasahan na lalong sisigla ang turismo sa lalawigan ng Iloilo kapag naideklarang cultural heritage ang mga historic site sa lalawigan na isinusulong sa Kongreso. Kapag napirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III bilang ganap na batas House Bill 5495, madedeklarang cultural heritage sites ang Jaro Cathedral, Molo Church, ang Iloilo City Central Business District, Fort San Pedro, Jaro Plaza Complex at Plaza Libertad Complex. Kilala ang Iloilo at dinadayo ng mga turista dahil sa mga kapistahan nito tulad ng Dinagyang Festival, Hirinugyaw-Sugilanon Festival, Candelaria Fiesta at Salakayan Festival. Sa sandaling maging ganap na batas ang HB 5495, ang mga lugar na idedeklarang heritage sites ay bibigyang prayoridad ng Department of Tourism (DoT) na pagandahin at maisasama sa tourism zones. Ayon kay Iloilo Rep. Jerry Treñas, hitik sa magagandang estruktura na maipagmamalaki ang lalawigan na dapat makita ng mga turista. “It is necessary to identify the country’s existing attractions which should be classified as tourist spots and allow the DoT to give particular emphasis to these identified sites in order to preserve these attractions so more tourists will visit these locations,” paliwanag ni Treñas, may akda ng panukalang batas. Inihayag din nito na maraming gusali at tahanan sa Iloilo City na itinayo noon pang panahon ng pananakop ng mga Kastila at Amerika. Isa na rito ang Iloilo City Central Business District, na mayroon umanong pambihirang architectural designs. Nakapaloob din sa panukala, na isasama sa national tourism development plan ng DOT ang ilalatag na tourism development plan ng Iloilo City.- RP/FRJ, GMA News