NSO: Bilang ng underemployed at walang trabahong Pinoy, 10.8M
Umabot na sa 10.828 milyon ang bilang ng mga Pilipinong nasa edad ng pagtatrabaho (15 taong gulang, pataas) ang walang trabaho at yaong underemployed, batay sa datos nitong Enero 2013. Tumaas ito ng 918,000 mula sa 9.91-milyon noong Enero 2012, habang dumarami ang mga Pilipino na underemployed, ayon sa pinakahuling tala ng National Statistics Office (NSO). Ayon sa isinagawang Labor Force Survey (LFS) ng NSO noong Enero, umabot na sa 7.934 milyon ang bilang ng mga underemployed mula sa 7.018 milyon noong nakaraang taon. Bumaba naman umano ang bilang ng mga walang trabaho na ngayo'y na sa 2.894 milyon. Subalit kung ipagsama ang bilang ng underemployed at walang trabaho, aabot ito ng halos 11 porsyento ng populasyon ng Pilipinas na sa ngayon ay 99.4 milyon, batay sa pagtataya ng National Statistical Coordination Board (NSCB). Bumaba sa 7.1 porsyento ang unemployment rate mula sa 7.2 porsyento noong Enero 2010, ngunit tumaas naman ang underemployment rate – 20.9 prosyento mula sa 18.8 porsyento. Kinokonsidera ng NSO ang mga underemployed bilang “employed persons who express the desire to have additional hours of work in their present job, or to have additional job, or to have a new job with longer working hours.” Bilang Karamihan (63 porsyento) sa mga underemployed at mga walang trabaho ay mga lalaking may edad 15 hanggang 34. Mula sa 17 rehiyon ng bansa, ang Bicol ang may pinakamataas na bilang (35 porsyento) ng mga underemployed na manggagawa. Mababa ang underemployment sa industry sector (15.9 porsyento) at mataas na naman sa agriculture (41.8 porsyento) at services sector (42.3 percent). Ang 55.2 porsyento ng mga underemployed ay nagtatrabaho ng mas mababa sa 40 mga oras bawat linggo habang 43.3 porsyento naman ang nagtatrabaho ng 40 oras o mahigit. Kabilang sa mga walang trabaho ay 30 porsyento na college gruaduate o nag-aaral pa lamang sa kolehiyo, at 33.7 porsyento naman ay nakapagtapos ng high school. Ayon sa NSO, kasama ang mga "unpaid family workers" sa bilang ng mga may trabaho at nirerepresinta nito ang 9.4 prosyento ang kabuuang 37.94 milyong may trabaho nitong Enero 2013. “Of the total employed persons in January 2013, 65.1 percent were full-time workers, while 33.9 percent were part-time workers. By comparison, in January 2012, full-time workers comprised 62.1 percent while part-time workers made up 36.7 percent,” ani NSO administrator Carmelita Ericta sa isang press release. Isinasagawa ng NSO ang LFS sa mga buwang Enero, Abril, Hulyo at Oktubre. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News