ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'No late payment' policy,  inalis ng UP kasunod ng pagkamatay ni Kristel Tejada


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inalis ng University of the Philippines (UP) nitong Martes ang kanilang patakaran laban sa atrasadong pagbabayad ng matrikula. Dahil dito, inaasahang makatutulong ito sa mga mag-aaral na hikahos sa buhay. Ang kautusan ay ipinalabas kasunod ng pagpapakamatay ng estudyanteng si Kristel Tejada na hindi nakapag-enrol sa UP dahil sa kawalan ng perang pambayad sa matrikula. Sa isang pahayag, sinabi ni UP Manila Chancellor Manuel Agulto na ang kautusan ay ipinalabas ni UP President Alfredo Pascual para sa lahat ng UP chancellors at UP Cebu's Dean. Basahin: Suspending tuition hikes not that easy — CHED official "In view of the issues raised regarding the late payment of tuition and other school fees, henceforth, I am enjoining all chancellors to allow a reasonable amount of time for registration and payment of fees," pagsipi ni Agulto sa direktiba ni Pascual. "Just to make it clear, this means that the 'no late payment' policy has been lifted. Any student with financial constraints will no longer have any problems with regard to tuition fee payment deadlines," paglilinaw pa ni Agulto. Kasabay nito, nakipag-usap din ang UP Manila administration nitong Martes sa mga student leader at faculty para talakayin ang mga usapin tungkol sa "financial process for enrolment." Nitong nakaraang Biyernes, nagpakamatay ang 16-anyos na si Kristel Tejada dahil sa umano'y mga problema sa buhay kasama na ang kabiguan na makapagbayad ng matrikula sa UP Manila. Basahin: Don't sympathize with 'violence,' Kristel's kin ask students Kinondena at naging dahilan ng protesta mula sa iba't ibang sektor lalo na sa mga kabataan ang nangyari kay Tejada. Huling respeto kay Kristel Sa pahayag, sinabi ni Agulto na nais nilang dalhin sa College of Arts and Sciences ang mga labi ni Tejada kung papayag ang pamilya nito para sa iaalay na misa. Nais din umano ng ilang mag-aaral at miyembro ng faculty na magbigay ng huling respeto sa pumanaw na mag-aaral, na nakatakdang ilibing sa Sabado. Idinagdag ni Agulto na patuloy nilang palalakasin ang "student-administration relations" sa pamamagitan ng mga pagpupulong. Isasama rin ang psycho-social support system  sa pamamagitan ng Office of Student Affairs at Department of Psychiatry. Kasabay nito, pinasalamatan ni Agulto ang "UP Manila community and UP as a whole"  sa pang-unawa kaugnay ng kinakaharap nilang usapin nitong nakaraang mga araw. "We are still, as we always have been, the University of the Philippines of, for and by the people. Education is everyone's right. We will continue to uphold that as we promote academic excellence and genuine public service to our dear nation,"  pahayag niya. - FRJ, GMA News