Lucy Torres-Gomez: 'I know that I enjoy the people’s overwhelming support'
Nananatili pa rin umano ang tiwala ng TV host-politician na si Lucy Torres- Gomez sa sistema sa kabila ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang walang bisa ang kanyang kandidatura noong 2010 elections kung saan nanalo siyang kongresista ng ika-apat na distrito ng Leyte. Sa botong 7-4-4 ng mga mahistrado ng SC, pinaboran ng pinakamataas na korte ang posisyon ng nagreklamong si Silverio Tagolino na hindi dapat pinayagan na replacement candidate si Lucy nang nadiskuwalipika ang mister nitong si Richard Gomez dahil sa usapin ng residency. Iniakyat ni Tagolino sa SC noong Marso 2012 ang naging desisyon ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) na pumabor sa kandidatura ni Lucy bilang kapalit ni Richard. "SC en banc voted today in Tagolino v HRET 7-4-4 that Cong. Lucy Torres-Gomez did not validly substitute as candidate for the ousted Richard Gomez in connnection with the May 2010 elections... Torres-Gomez ousted," pahayag ni ni Theodore Te, public information chief ng SC, nitong Martes. Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ng kampo ni Lucy na iaapela pa rin nila ang desisyon ng SC kapag nakuha na nila ang kopya nito. "Ang iba naman has never been known to fight fair and square," ayon kay Lucy na muling tatakbong kongresista sa darating na May elections. "Hindi na siya nakakagulat but I continue to trust the system." Basahin: Ormoc's Rep. Lucy Torres-Gomez's won in May 2010 polls — SC Sinabi ni Lucy na hindi maikakaila na mahigit 26,000 boto ang naging kalamangan niya sa kanyang kalaban, pinakamalaki umano sa kasaysayan ng eleksiyon sa nabanggit na distrito ng lalawigan. Dagdag pa niya, ang mahalaga umano ay tapat niyang napagsilbihan ang kanyang mga kababayan sa panahon na nakaupo siyang bilang kinatawan ng distrito sa Kamara de Representantes. "I know I have done my part and I know that I enjoy the people’s overwhelming support,” ayon sa kongresista. Dahil panahon ng kampanya, nakabakasyon ngayon ang sesyon ng Kongreso at magbubukas lamang sa June 7, 2021 para sa mga seremonya para sa gagawing pagtatapos ng kasalukuyang 15th Congress sa July 21. Sa muling magbubukas ang sesyon ng Kongreso sa Agosto, mauupo na ang mga nanalong kandidato sa gaganaping halalan sa Mayo. Kabilang na dito ang mga senador at kongresista na mapapabilang sa papasok na 16th Congress. Magsisimula sa darating na Marso 28 ang opisyal na kampanya ng mga lokal na kandidato na kinabibilangan ng mga kongresista. - FRJ, GMA News